PANOORIN: Batang pagkain sa halip na pera ang hinihingi, kinaantigan

Imahe mula sa Facebook | Xof Naraplap
  • Natuwa ang netizens sa isang batang tindero na sa halip na pera ay pagkain ang hinihinging tulong
  • Sinubukan ng isang netizen na bigyan na lamang ng pera at huwag nang kunin ang paninda ng bata ngunit hindi ito pumayag
  • Paalala niya, dapat ay kunin nito ang kaniyang binibili dahil masasayang ang kaniyang pera

Kinagiliwan ng netizens ang isang batang nagtitinda sa kalsada na tumatanggi sa perang ibinibigay sa kaniya bilang tulong.

Imahe mula sa Facebook | Xof Naraplap

Ibinahagi ng netizen na si Xof Naraplap ang video ng batang si Macoy Santos na nag-aalok sa kanila ng mansanas sa halagang P120 bawat supot.

“Sabi ko bigyan na lang namin ng pera pero ayaw niyang tumanggap. ‘Yan napabili tuloy kahit ayaw, para makauwi na raw siya. God bless, kid!” ani Xof sa post na ngayon ay may 4.5k reactions at 4k shares na.

Paliwanag ng bata, masasayang ang pera nila kung bibili sila ngunit hindi kukunin ang kanilang binili. “Kaya nga po kayo bumili para kainin n’yo e. Parang nagbigay lang po kayo ng pera. Ayaw ko po. Dapat kung ano po ang binibili, tanggapin n’yo po kasi po sayang po yung pera e,” aniya.

Sa halip na pera ay pagkain na lang daw sana ang ibigay sa kaniya upang makauwi siya nang maaga. “Pagkain po dapat, hindi pera,” sabi niya pa.

Imahe mula sa Facebook | Xof Naraplap

Bukod sa hindi pagtanggap ng pera ay marami rin ang nakapansin sa pagiging magalang ng bata dahil sa paggamit niya ng “po” at “opo.”

“Sir, naturuan ng magandang asal ‘yang batang iyan,” komento ni P. Bornilla.

Dahil dito ay marami ang natuwa sa bata at nagbigay ng tulong para rito. Binalikan muli ni Xof ang bata at binili ang lahat ng kaniyang paninda. Bukod doon ay binigyan pa niya ng P1k ang bata mula sa isang netizen.

“Shout out sa mga nagpaabot ng tulong, Glendo Pilongo at Norman Arzanan. God bless you, mga sir. Nakauwi na siya nang maaga at giniginaw na rin siya. Medyo naambunan siya e. Nakalulungkot kasi inaabot siya ng hatinggabi ‘pag hindi ubos ang [paninda niya],” kwento pa ni Xof.

Upang masigurado na ligtas na makauuwi ang bata ay hinatid na rin nila ito sa kaniyang bahay.

Saludo sa mga tumulong kay Macoy!

Panoorin ang video:

Loading…