Parol maker naiyak sa sama ng loob dahil ‘di na kukunin ng buyer ang P100K na order; Mayor Isko sumaklolo

Mga imahe mula sa Facebook ni Arlene Simon
  • Kawawa ang isang parol maker dahil hindi na kukunin ng buyer ang kaniyang order
  • Nagkakahalaga pa naman ito ng P100,000 kaya naiyak ang parol maker sa sama ng loob
  • Sumaklolo naman kaagad si Manila Mayor Isko Moreno na binili ang mga parol ni kuya

Naiyak sa sama ng loob ang isang gumagawa ng parol sa Maynila matapos malamang hindi na pala kukunin ng buyer niya ang order nitong nagkakahalaga ng P100,000.

Sa kaniyang Facebook post, sinabi ni Max Simon na mababaon na naman siya sa utang dahil sa ginastos niya sa mga parol na tila ay mauuwi sa wala. Inaasahan pa naman niya ang kikitain dito lalo na’t magpapasko at hirap ang buhay dahil sa pandemya.

Screenshot mula sa Facebook ni Arlene Simon

“Di na kukunin ‘yan ng buyer sayang 100k lahat ng bayad ‘yan paano na ako baon na naman ako sa utang,” ayon sa post ni Kuya Max noong Miyerkules.

Sinundan niya pa ito ng isang post kung saan makikitang nangingilid na siya sa luha dahil sa lungkot at panghihinayang.

Aniya, “Di ko mapigilan umiyak.”

Screenshot mula sa Facebook ni Arlene Simon

Dahil dito, kaagad naming sumaklolo ang mga netizens na naantig ang puso at naawa sa kalagayan ni Kuya Max.

Marami ang nag-alok na sila na lamang ang bibili ng parol habang ang iba naman ay nais magpahatid ng tulong pinansiyal sa pamilya.

Ilang social media users naman ang nais na ireklamo ang buyer dahil sa ’di nito pagtupad sa usapan. Nais naman ng karamihan na tulungan ang parol maker kaya tinag nila sa Facebook post sina Raffy Tulfo at Jessica Soho.

Screenshot mula sa Facebook ni Arlene Simon

Sa isa pang post ay makikitang tila ibinebenta na lamang ni kuya ang kaniyang parol sa mas mababang halaga upang kahit paano ay may mabawi sa ginastos dito.

Subalit sa pinakahuling post ng Manila PIO nitong Biyernes, tila si Manila Mayor Isko Moreno na mismo ang sumaklolo kay Max upang bilhin ang mga natitira pa sa ginawa nito.

Kaya naman, malaki ang pasasalamat ng mga netizens kay Yorme dahil may pinasaya na naman itong pamilya ngayong Pasko.

Loading…