‘Paskuhan sa Maynila’ binuksan ni Yorme upang makatulong sa mga naapektuhan ng pandemya

Screenshot mula sa Facebook video ni Mayor Isko
  • Binuksan ng Lungsod ng Maynila ang ‘Paskuhan sa Maynila’ nitong Martes
  • Ang proyekto ay may layong makatulong sa mga negosyo at trabahador na naapektuhan ng krisis
  • Tatagal ito ng isang buwan mula Disyembre 1 hanggang Enero 2

Pinasinayaan ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso nitong Martes, Disyembre 1,  ang ‘Paskuhan sa Maynila’ na may layong makatulong sa mga trabahador at negosyong naapektuhan ng COVID-19 pandemic.

Ang ‘Paskuhan sa Maynila’ ay matatagpuan sa Mehan Garden at ito ay magsisilbing Christmas Village na mayroong pailaw, tugtugan at mga bazaar kung saan mabibili ang iba’t-ibang uri ng paninda.

Screenshot mula sa Facebook video ni Mayor Isko

Ang proyekto ay ginawa sa pakikipagtulungan ng Manila Bureau of Permits at ng Department of Tourism, Culture, and Arts ng lungsod sa pangunguna ni Bureau of Permits Director Levi Facundo.

Ayon kay Mayor Isko, ito ay bilang suporta ng pamahalaang lungsod para makabangon ang mga lokal na negosyo at mga empleyadong nawalan ng hanapbuhay ngayong pandemya.

“Ito po ay parte ng ating adhikain na lumikha ng mas maraming trabaho at tulungan ang ating mga negosyanteng makabangon sa gitna ng kinakaharap na pandemya,” anang alkalde sa kaniyang Facebook post.

Screenshot mula sa Facebook video ni Mayor Isko

“If we’re going to be successful later on to help for these businesses to survive, then naturally we continue to protect the interest of employees who lost their jobs,” wika naman ni Mayor Isko sa kaniyang talumpati Martes ng gabi.

Hinimok rin ng alkalde ang publiko na tangkilikin ang mga locally-made na produkto upang makatulong sa mga taga-Maynila.

“Welcome po kayo sa Maynila. In fact, hindi lang kayo welcome, malugod namin kayong tinatanggap. Dumako kayo dito, maghanap-buhay kayo, pero nakikisuyo ako, ingatan n’yo ang inyong sarili,” pahayag ng alkalde.

Screenshot mula sa Facebook video ni Mayor Isko

Ayon kay Facundo, ang proyekto ay magtatampok ng mga 60 exhibitors at inaasahang makalilikha ng aabot sa 200 trabaho.

Ang ‘Paskuhan sa Maynila’ ay nagbukas nitong Disyembre 1 at magtatagal nang isang buwan hanggang Enero 2. Bukas ito mula 4 pm hanggang 11 pm.

Tiniyak rin ni Mayor Isko na mahigpit na ipatutupad ng Pamahalang Lungsod ang health protocols upang siguraduhin ang kaligtasan ng lahat laban sa COVID-19.

Loading…