Pastillas scheme: Panibagong 43 Immigration officials sinuspinde ng Ombudsman

Imahe via Immigration
  • Sinuspinde ng Ombudsman ang panibagong 43 na tauhan ng Immigration kaugnay sa ‘pastillas scheme’
  • Maliban pa ito sa 44 na sinuspendi rin noong Nobyembre
  • Isinapubliko naman ni Pangulong Duterte ang pangalan ng mga taong sangkot sa modus

Nadagdagan ang listahan ng mga empleyado ng Bureau of Immigration (BI) na sinuspinde ng Ombudsman kaugnay sa ‘pastillas scheme’ na unang nabulgar noong Pebrero.

Sa bagong order na inilabas ng Ombudsman na may petsang Diyembre 3, panibagong 43 na empleyado ng Immigration ang pinatawan ng anim na buwang preventive suspension.

Imahe mula sa Eagle News

Ayon sa desisyon, “there is sufficient ground to preventively suspend all of the respondents considering there is a strong evidence showing their guilt.”

“Respondents’ administrative infractions are duly supported not only by convincing testimonies but also by official documents,” wika pa ng Ombudsman decision.

Ito ay nakabase sa reklamong grave misconduct, gross dishonesty, at conduct prejudicial to the best interest of service na isinampa ng National Bureau of Investigation (NBI) noong Nobyembre.

Noong Oktubre ay 44 na tauhan din ng BI ang sinuspinde ng anti-graft body kabilang na ang whistleblower na si Jeffrey Dale Ignacio na tumestigo sa Senate hearing at nagdawit sa pangalan ni dating Immigration commissioner Marc Red Mariñas bilang isa umano sa mga mastermind.

Imahe mula kay Sen. Risa Hontiveros

Samantala, isinapubliko naman ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang public address nitong Miyerkules nang gabi ang mga pangalang sangkot diumano sa ‘pastillas scheme’.

Ayon sa Pangulo, talamak ang nasabing modus sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at halos lahat ng tauhan ng Immigration ay sangkot dito.

“They are now suspended but connected sa pastillas. This may result in their dismissal, or exoneration if warranted,” anang Pangulo.

Giit ni Duterte, dapat ay hindi itinatago ang mga pangalan at mukha ng mga taong ito at tungkulin niya rin na ipaalam ito sa publiko.

Hinimok niya rin ang mga awtoridad na kapag may mga nahuling masasamang loob, dapat ay  hindi na binabalot ang mukha; bagkus ay ipinapakita na sila sa publiko.

Loading…