Pinanggalingan ng mga unan na may lamang face mask, natunton na

Imahe mula sa Facebook | Jovelyn Sarmiento Gabelo at Gil Gabriel
  • Pinuntahan ng pulisya ang shop na itinuturong pinagmulan ng mga unan na may lamang gamit na face mask
  • Itinanggi naman ng care taker ng shop na sila ang gumawa ng mga unan na iyon at sinabing ibinagsak lamang iyon sa kanila
  • Ang itinuturong nagbagsak nito ay dalawang araw na raw hindi nakikita

Nahanap ng mga awtoridad sa Binan, Laguna ang shop na tinuturong pinagmulan ng mga ibinebentang unan sa Cavite na may palaman na gamit na face mask.

Imahe mula sa Facebook | Gil Gabriel

Naabutan doon ng kapulisan ang nagpakilalang care taker na si Nathaniel Geolisan ngunit itinanggi niyang sila ang gumagawa ng mga unan na iyon at sinabing ibinagsak lamang sa kanila ng bayaw na si Orlando Pagal ang mga iyon.

“For two days nang nawawala [si Pagal]. Pati doon sa bahay niya sa Canlalay, wala na ‘yong tao,” pahayag ni Binan City Police Chief P/Lt. Col Vanni Martinez sa GMA News.

Kamakailan lamang ay ibinahagi ng netizen na si Jovelyn Sarmiento Gabelo ang larawan ng mga unan na napag-alaman nilang mga gamit na face mask pala ang palaman. Nagbabala siya dahil maraming residente raw sa kanilang lugar ang nakabili nito.

Imahe mula sa Facebook | Nying Carao

“Maging aware po tayong lahat. Sa mga bumili ng unan sa halagang P50 sa mga naglalako diyan, ang laman po ng unan ay mga gamit na face mask. Maraming sakit po ang makukuha natin dito. Isa na ang coronavirus,” ani Jovelyn.

Hinimok naman ni Brgy. Sto Domingo, Binan Chairman Imelda Sera Jose ang iba pang nakabili rin ng unan na dumulog sa kanilang tanggapan.

“Hinihikayat pa po namin yung iba na baka may bumili pa sa ibang lugar. I-turn over na sa amin at mag-file ng complaint para malikom natin lahat ng mga mga ebidensya,” aniya.

Panawagan naman ni Carmona Municipal Health Officer Dr. Homer Aguinaldo sa parehong panayam sa GMA, sana ay magkaroon ng sapat na monitoring kung saan itinatapon ng waste collectors ang mga gamit na face mask upang maiwasan ang ganitong mga kaso.

Loading…