‘Pinas makakakuha ng 60-M doses ng COVID vaccine sa susunod na taon – Galvez

Imahe mula sa The Straits Times
  • Makakakuha ng 60 milyong doses ng COVID vaccine ang Pilipinas sa susunod na taon
  • Tiyak na ang 30 milyon mula sa Novovax habang pinaplantsa na rin ang 20 milyon mula sa AstraZeneca
  • Nakikipag-usap na rin ang gobyerno sa apat pang kompanya

Posibleng makakuha ng 60 milyong doses ng bakuna kontra COVID-19 ang Pilipinas sa susunod na taon ayon kay vaccination czar Carlito Galvez.

Ito ay matapos kumpirmahin ng opisyal na tiyak na ang pagdating sa bansa ng 30 milyong doses mula sa kumpanyang Novavax na manggagaling sa India.

Screenshot mula sa PCOO video

Pumayag umano ang Novavax na mag-supply ng COVID vaccine kahit wala pang downpayment. Sa Disyembre 23 ay muli silang mag-uusap para sa karagdagang detalye ng kontrata, lahad pa ni Galvez.

Bukod dito, lalagdaan na rin ang kontrata sa pagitan ng gobyerno at British pharmaceutical company na AstraZeneca bago matapos ang taon para naman sa karagdagang 20 milyong doses.

“Baka this coming next week either December 28 or 29, inaantay lang namin ‘yung Ministry of Health regulatory authorization ng [United Kingdom] at puwede na naming pirmahan ‘yung kontrata. Ito naman ay 20 million doses,” ibinahagi ni Galvez sa ginanap na public briefing nitong Lunes nang gabi.

Nauna nang sinabi ni Galvez na tuloy pa rin ang naudlot na negosasyon nila sa Pfizer na dapat sana ay mauunang mag-supply ng 10 milyong doses nitong Enero.

Imahe mula sa CGTN

Dahil dito, maaaring umabot sa 60 milyon ang doses na makukuha ng Pilipinas sa pangalawa at pangatlong quarter ng 2021.

“So all in all kung magkakaroon tayo ng pirmahan this month, mayroon tayong 60 million for second quarter and third quarter,” ayon pa sa vaccination czar.

Maliban sa tatlong nabanggit na kumpanya, nakikipag-usap pa rin ang gobyerno ng Pilipinas sa Sinovac Biotech ng China, Gamaleya Research Institute ng Russia at Moderna ng Estados Unidos.

Layon ng pamahalaan na maturukan ang 60 milyon katao sa susunod na taon upang maabot ang tinatawag na ‘herd community’.

Loading…