‘Pinas nakikipag-usap na para makakuha ng 30-M doses ng Covovax vaccine mula sa India

Imahe mula sa Jakarta Post
  • Nakikipag-usap na rin ang Pilipinas sa manufacturer ng Covovax vaccine
  • Ito ay magmumula sa India at posibleng makakuha ang bansa ng aabot sa 30 milyong doses
  • Patuloy pa rin daw ang negosasyon ng pamahalaan sa iba pang kumpanya kabilang na ang Pfizer

Maaaring makakuha ng karagdagang 30 milyong doses ng COVID vaccine ang Pilipinas mula sa kompanyang nakabase sa India kapag natuloy ang usapan.

Nakikipag-usap na umano si vaccination czar Carlito Galvez at Dr. Luningning Villa sa Serum Institute of India (SII) na siyang distributor at manufacturer ng Covovax vaccine; ang vaccine na gawa sa pakikipagtulungan ng Novovax.

Imahe mula sa NEDA

Si Dr. Villa ang  medical director ng Faberco Life Sciences na nakipag-partner sa SII at siyang namamagitan sa pag-uusap ng dalawang panig.

“If and when the negotiations are concluded successfully, this would be a wonderful development for us Filipinos,” ayon kay Villa.

Ang Covovax ay nasa ikatlong stage na ng clinical trial at posible itong maging available sa bansa sa third quarter ng susunod na taon.

Ang clinical trials ng Covovax ay kasalukuyang isinasagawa sa mga bansang India, Australia, South Africa, UK, Estados Unidos at Mexico.

Nitong Disyembre 18 ay nakipagpulong na umano si Galvez sa SII at minamadali na ang negosasyon subalit posible pa lamang malgadaan ang kontrata sa Enero.

Imahe mula sa Xinhua

Nitong Sabadao ay sinabi rin ni Galvez na nakikipag-usap na sila sa Pfizer at anim pang pharmaceutical companies upang mapabilis ang delivery ng mga bakuna sa mga darating na buwan.

Ito ay sa gitna ng balitang naunsiyami ang pakikipag-usap ng pamahalaan sa Pfizer dahil sa kapabayaan ng isang opisyal.

“Still we are working with Pfizer. Mas malaki pa nga makukuha natin at saka mas mababa ang presyo,” wika ng vaccination czar.

Ibinahagi rin ng opisyal na umaasa siyang may maisasarado na silang deal sa huling bahagi ng Disyembre o unang linggo ng Enero at maide-deliver na ang bakuna sa buwan ng Marso o Abril.

Loading…