Pinay OFW sa Saudi Arabia mahigit dalawang linggo nang nawawala

Screenshot mula sa GMA YT video
  • Mahigit dalawang linggo nang hindi nakakausap ng pamilya ang isang OFW sa Saudi Arabia
  • Nobyembre 27 pa umano ito huling nakausap sa cellphone ng kaniyang mister
  • Nangako naman ang OWWA na tutulungan ang pamilya ng OFW

Mahigit dalawang linggo nang hindi nakakausap ng kaniyang pamilya ang isang babaeng overseas Filipino worker (OFW) sa Saudi Arabia.

Kinilala ng nag-aalalang mister ang nawawalang OFW na si Bernadeth Navarro at nagtatrabaho sa Riyadh bilang kasambahay.

Screenshot mula sa GMA YT video

Base sa ulat ng GMA News, noong Nobyembre 27 pa huling nakausap ng asawa si Bernadeth at simula noon ay hindi na makontak ito sa cellphone o sa Messenger. Nakapagsumbong pa umano ito na hindi siya pinakakain nang maayos at delayed na rin ang pasahod.

Nakausap pa raw ng mister na si Josue ang kasamahan ni Bernadeth na nagsabing ipinahuli at ipinakulong umano ang Pinay OFW ng kanilang amo.

Subalit kinalaunan ay binlock rin daw si Josue ng kasama ng kaniyang misis dahil sa takot na madamay.

“Sabi ng kasama, pinahuli na siya ng amo, pinakulong. Binlock ako ng kasama niya kasi baka raw masabit pa raw doon siya,” kuwento ni Josue sa panayam ng GMA News.

Imahe mula sa Facebook

Paniwala naman ni Josue, maaaring kinulong lamang sa bahay ang kaniyang asawa at hindi pinakakain. Nasa amo pa rin daw ni Bernadeth ang pasaporte nito, ayon pa sa asawa.

Nakipag-ugnayan na rin umano siya sa tanggapan ng Overseas Worker Welfare Administration (OWWA) sa lungsod ng Davao para idulog ang kaso ng kaniyang maybahay.

Tumanggi rin ang agency na nagpaalis sa kaniyang misis na tulungan siya dahil tapos na ang kontrata sa kanila ng huli.

Samantala, tiniyak naman ni OWWA administrator Hans Leo Cacdac at Labor Attaché Nasser S. Mustafa na tutulungan ang pamilya ni Bernadeth upang malaman kung ano ang tunay na kalagayan ng nawawalang OFW.

Loading…