PLDT, Smart may pinakamabilis na internet speed sa ‘Pinas – Ookla

Imahe mula sa Ideal Controls Inc.
  • Hinirang ang PLDT na may pinakamabilis na fixed broadband speed sa Pilipinas
  • Gayundin ang Smart na nakuha ang “Fastest Mobile” award
  • Ito ay base sa datos ng broadband testing company na Ookla

Ang PLDT at subsidiary nito na Smart Communications ang may pinakamabilis na internet speed sa Pilipinas ayon sa datos na inilabas ng US-based broadband testing company na Ookla.

Nakuha ng PLDT ang “Speedtest Award” ng “Fastest Fixed Internet” base sa pag-aaral ng Ookla sa unang dalawang quarter ng taon. Ito ay dahil umano sa “Speed Score” na 24.79 ng PLDT na ang pinakamabilis ay umabot sa 70.54 Mbps para sa download at 85.38 Mbps para sa upload.

Imahe mula sa PLDT

Ang pinal na speed score, paliwanag ng Ookla, ay binubuo ng halos 90 porsiyento ng download at 10 porsiyento ng upload speed.

“The Speed Score uses a modified tri-mean to demonstrate the download and upload speeds that are available across a provider’s network. We take speeds from the 10th percentile, 50th percentile (also known as the median), and 90th percentile, and combine them in a weighted average using a 1:8:1 ratio, respectively,” ayon sa ulat ng testing company.

Pumapangalawa sa kompanya ni Manny Pangilinan ang Converge ICT na may speed score na 21.53, at sinundan ng SKY Broadband na may score na 15.56, habang kulelat naman ang Globe Broadband na mayroon lamang sped score na 9.17.

Imahe mula sa PLDT

Sa larangan naman ng mobile broadband, nanguna rin ang Smart bilang “Fastest Mobile” sa bansa matapos makakuha ng speed score na 18.33 na may average speed na 15.94 Mbps sa download at 7.57 Mbps naman sa upload.

Pangalawa lamang ang karibal nng Smart na Globe na may speed score 12.35, average download speed na 11.96 Mbps, at average upload speed na 4.04 Mbps.

Kamakailan ay sinabi rin ng Ookla na bumilis ang internet speed sa Pilipinas ng halos 477% simula noong third quarter ng 2016, subalit mabagal pa raw ito kumpara sa ibang bansa.

Mula sa dating 3.18 Mbps lamang ay naging 18.35 Mbps nitong third quarter ng 2020 para maging pang-111 sa mobile speed at pang-107 naman sa fixed broadband sa buong mundo.

Loading…