PNP Chief Debold Siñas itinanggi ang kumakalat na “mañanita 2.0”

  • Hindi raw totoo ang “mañanita 2.0” na ipinupukol ngayon kay PNP Chief Siñas
  • May mga kumakalat kasi na larawan mula sa screenshots sa video na nagdaos umano sila ng Christmas party 
  • Si Siñas mismo ang nag-utos sa mga pulis na huwag magsasagawa ng kahit na anomang Christmas party o social gathering

Mariing itinatwa ng kasalukuyang hepe ng Philippine National Police o PNP na si Debold Siñas na may naganap na “mañanita 2.0” kung saan may kumakalat na video na diumano’y makikitang nagdiwang sila kamakailan ng Christmas party, na ipinagbabawal pa rin, bilang pagtalima sa health protocols.

Matatandaang ipinagbawal mismo ni Siñas ang pagdaraos ng kahit na anomang Christmas party, lalo na sa kapulisan, bilang pagsunod sa ipinatutupad pa ring COVID-19 restrictions.

Public Domain Image

“Negative po. Fake news po ‘yun. ‘Yung video na ‘yun, alam ko retirement ng kaklase ko doon sa Tuguegarao just before the COVID-19 pandemic. Alam ko January pa ‘yun. Wala po kaming Christmas party. Siguro may mga tao talagang walang magawa sa buhay,” saad niya sa idinaos na press conference sa San Fernando, Pampanga.

Makikita si Siñas sa kumakalat na mga larawan na screenshots mula sa isang video, na nakasuot ng asul na damit, at mahihinuhang sumasayaw-sayaw.

Matatandaang inulan ng batikos si Siñas dahil sa mañanita party na idinaos sa kaniyang ika-55 kaarawan sa kabila ng istriktong community quarantine na ipinatutupad sa Metro Manila, noong mga panahong iyon.

Sa kabila nito, itinalaga pa rin siya ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang bagong hepe ng kapulisan.

“Akin na ‘yun. At kung may kasalanan siya doon, pardoned na siya. Wala akong nakitang kasalanan na masama na may moral implications. Maliit na bagay lang ‘yun. Doon ako galit sa mga corrupt,” pagtatanggol sa kaniya ni Pangulong Duterte noon.

Public Domain Image

Samantala, inamin naman ni Siñas na ilan sa mga pulis na na-dismiss mula sa serbisyo ang maaaring makabalik sa PNP.

“Totoo po, may na-dismiss kami pero nakabalik po. Nakakuha sila ng orders from the court, from the NAPOLCOM (National Police Commission) o from the Civil Service Commission. Ang usapan na lang namin ni Senator Bato (dela Rosa), higpitan pa lalo ‘yung procedures,” aniya.

Iginiit niya na ang ilan daw kasing pulis na natanggal sa serbisyo ay nakaranas lamang ng “personalan.”

Loading…