PNP chief Sinas naniniwalang may mga dapat baguhin sa PNP matapos ang insidente sa Tarlac

Imahe mula sa PNP
  • Naniniwala ang PNP chief na kailangan may gawing mga pagbabago sa PNP kasunod ng insidente sa Tarlac
  • Suportado ni Gen. Sinas ang mungkahi na bigyan ng power ang PNP chief na kaagad makapagpatalsik ng pulis na nagkasala
  • Sa ngayon daw ay may mahabang due process sila na sinusunod sa PNP
  • Ang IAS ang nagrerekomenda sa PNP chief kung kailangang ma-dismiss ang erring PNP personnel

Naniniwala si Philippine National Police (PNP) chief Debold Sinas na kailangang may mga pagbabagong gawin sa hanay ng pulisya kasunod ng malawakang public outrage dahil sa sinapit ng mag-inang Sonya at Frank Anthony Gregorio sa kamay ng rogue cop na si Staff Sergeant Jonel Nuezca.

Imahe mula sa PNP

“Very unfortunate po talaga ‘yung nangyari at talaga namang hindi po iyon kultura ng PNP. Naniniwala ako, may babaguhin. Kasi alam mo naman kami, sumusunod kami na ‘yung mga established operating procedures at saka standard police procedures po sa bawat operation namin,” anang PNP chief nang tanungin kung may dapat baguhin sa kultura ng PNP.

Nalulungkot si Gen. Sinas na sa kabila ng mga reporma na ipinatutupad sa PNP at sa pagtaas ng buwanang suweldo ng uniformed personnel na isinulong ni Pangulong Rodrigo Duterte at naipatupad noon pang 2018, ay may mga police officer pa rin na katulad ni Nuezca.

Napapanahon na rin daw na review-hin ang policy ng PNP hinggil sa dismissal proceeding ng mga erring PNP personnel. Aniya, sinusuportahan niya ang mungkahi ni Senator Ronald Dela Rosa na bigyan ng kapangyarihan ang PNP chief na agad makapagpatalsik ng mga scalawag sa kanilang hanay.

Sa kasalukuyan ay may sinusunod umano silang mahabang due process. Dapat daw na iklian ang proseso o kaya ay bigyan ng power ang PNP chief na agad tanggalin sa serbisyo ang nagkasalang pulis lalo na kung nahuli sa akto.

Imahe mula sa PNP

“Kung puwede, iklian o bigyan ng mas magandang pag-aaral ‘yung authority ng Chief PNP to immediately dismiss ‘yung mga pulis na gumagawa ng kalokohan kagaya ng nangyari kay Staff Sergeant Nuezca,” ani Sinas.

“Kagaya ng nangyari kay Nuezca na nakita mo na, may video na, talagang verified na, right then ay puwede na siyang i-dismiss kaagad,” sabi pa ng PNP chief.

Sinabi pa ni Sinas na ang Internal Affairs Service ng PNP ang nagrerekomenda sa PNP chief kung dapat tanggalin ang nagkasalang pulis.

Tiniyak ng PNP chief na mabibigyan ng hustisya ang mga biktima.

Imahe mula sa PNP

Loading…