PNP walang kakayahang i-monitor ang social media para sa COVID-19 protocol violations

Imahe mula sa Headtopics
  • Walang kakayahan ang PNP na mag-monitor ng social media para sa posibleng COVID-19 protocol violations
  • Ang inaaksyunan ng PNP ay ang mga reklamong natatanggap at mga social media posts na nag-viral
  • Sa mga mahuhuling lalabag sa mass gathering restrictions, ang mga leader at organizers lang ang iimbitahan sa presinto para magpaliwanag

Hindi aktibong mino-monitor ng Philippine National Police (PNP) ang social media accounts ng mga mamamayan para sa posibleng paglabag sa COVID-19 protocols, ayon kay  PNP chief General Debold Sinas.

Imahe mula sa PNP

Wala pa umanong kapabilidad ang PNP na i-monitor ang social media para maghanap ng mga violators. Ani Sinas, umaasa lang sila at gumagawa ng aksyon batay sa mga reklamo at sa mga social media posts na nagva-viral.

“As to the monitoring ng social media, wala po kaming capability sa ngayon na mag-monitor niyan. Ang ginagawa namin, ‘pag may nag-text ‘sir, nag-viral ‘to,’ iyon ang hinahanap at iyon ang inaaksyunan po namin,” sabi ng PNP chief.

Tiniyak din ng opisyal na hindi gagambalain ng pulisya ang mga pamilyang maayos na nagdiriwang ng kapaskuhan. Hindi umano basta na lang papasukin ang mga bahay ng inirereklamong lumabag sa mga health at safety protocols. Dadaan pa raw sa verification ang bawat reklamong natatanggap.

Hindi ‘yung basta-basta na ‘pag may nag-reklamo, puntahan mo agad. Vineverify po ‘yan. “Pero kung kayo lang, at saka within the solemn mood to celebrate Christmas and New Year, hindi po kami magba-barge in, hindi po kami magtetrespass. Alam po ng mga pulis ‘yan, ‘yung mga karapatan ng bawat isa,” paniniyak ni Sinas.

Imahe mula sa PNP

At kung sakaling may mamataan silang lumalabag sa pagbabawal sa mass gatherings, hindi lahat ng dumalo ay dadalhin sa presinto para magpaliwanag.

“Ang guidance namin is i-disperse sila. ‘Yung mga leaders and organizers, ‘yun ang imbitahan natin sa istasyon para sila ang magexplain. Kung 100, lalo tayong mag-violate ng social distancing,” paliwanag niya.

Loading…