Precinct commander ng Malate sinibak sa puwesto matapos ang ‘surprise inspection’

Imahe mula sa Hataw
  • Sinibak sa puwesto ang station commander ng Malate police station
  • Nabigo kasi itong maipaliwanag kung bakit kakaunti ang naka-duty na tauhan noong surpresahin sila ng MPD chief
  • Tinanggal na rin ng MPD chief ang Christmas at New year break para sa kanila

Tinanggal sa puwesto ang precinct commander ng Malate police station matapos mabigo itong maipaliwanag kung bakit kakaunti lang ang kaniyang mga tauhang naka-duty sa ginawang surprise inspection ng hepe ng MPD.

Sinurpresa ni P/Brig. Gen. Leo Francisco, ang bagong-talagang hepe ng MPD, ang nasabing presinto nitong Sabado nang madaling-araw at nagulat ang opisyal nang kakaunti lang ang naka-duty na pulis.

MPD chief Gen. Leo Francisco| Imahe mula sa Facebook

Tinanong umano ni Francisco si P/Lt. Col Roberto Sales, ang station commander, subalit hindi kaagad nakasagot ang huli at sa halip ay naghanap pa ng record.

Bukod dito, ayon sa ulat ng Tribune, pinaghintay pa raw ni Sales ang kaniyang hepe ng halos kalahating oras sa labas ng pinto bago ito pinapasok.

Napag-alaman ni Francisco na sa 48 na dapat ay naka-duty nang araw na iyon, 13 lamang ang pumasok at walo lamang ang naabutan niya sa presinto. Mayroon umanong 176 na pulis ang naka-assign sa nasabing station, ayon sa opisyal.

Imahe mula sa Facebook – Mpd Malate Nueve Pcr

Dahil dito, posibleng maharap sa kasong ‘neglect of duty’ si Sales dahil sa kabiguan nitong i-account ang lahat ng kaniyang mga tauhan.

“Pinag-aaralan namin kung ano ang maikakaso sa kanya kasi he failed to follow guidelines and supervise Station 9. Sabi ko, 85 percent nasa labas at 15 percent nasa admin work,” paliwanag ni Francisco.

Sinibak na ni Francisco si Sales at pinalitan na ito ni P/Lt. Col. Cristito Acuhon na dating naka-assign sa MPD intelligence division. Pinatawag na rin ang lahat ng mga officers na naka-assign sa istasyon kahit naka-day off para sa spot accounting.

Maliban dito, kinansela rin ni Francisco ang Christmas at New Year break para sa kanila dahil sa pagkadismaya.

Loading…