Presidente ng Chile pinagmulta ng $3,500 dahil sa hindi pagsuot ng face mask

The Indian Express
  • Pinagmulta ng $3,500 ang pangulo ng bansang Chile
  • Lumabas kasi sa social media ang isang selfie na wala siyang suot na face mask habang nasa beach
  • Humingi naman agad ng paumanhin ang Chilean president

Pinagmulta ng malaking halaga ang mismong pangulo ng bansang Chile dahil sa hindi pagsuot ng face mask habang nasa beach kamakailan.

Base sa ulat ng Reuters, pinagbabayad si Chilean President Sebastian Pinera ng $3,500 (P168,000) matapos lumabas sa social media noong unang linggo ng Disyembre ang larawan kung saan nakasama niya sa selfie ang isang bystander.

Kapwa walang suot na face mask ang dalawa na isang paglabag sa ipinatutupad na health protocol sa bansa.

Screenshot mula sa Twitter

Humingi naman agad ng paumanhin si Pinera at sinabing naglalakad lamang siya mag-isa sa beach malapit sa kanilang tahanan sa Cachagua nang makilala umano siya ng babae.

Kaagad daw lumapit ito sa kaniya at humingi ng selfie na pinaunlakan naman ng president.

“The walk was quite lonely until some people recognized me and asked me to take a picture,” anang pahayag ni Pinera sa social media.

Sa larawang lumabas, bukod sa walang suot na face mask ang dalawa ay masyadong malapit rin ito sa isa’t-isa kaya hindi na nasunod ang physical distancing.

Imahe mula sa The Brazilian Report

“Surely I should have put on the mask, but because of the speed with which the events occurred I did not do so,” paliwanag pa ng Chilean president.

Tumaas ang kaso sa Chile noong buwan ng Mayo hanggang Hulyo dahil sa southern hemisphere winter subalit bumaba ito nang mga sumunod na buwan hanggang nitong Nobyembre.

Muli itong tumaas nitong Disyembre kaya nagpatupad na naman ng mahigpit na health protocol ang mga awtoridad.

Sa kasalukuyan, mayroon nang mahigit 580,000 na kaso ng COVID-19 sa Chile at mahigit 16,000 dito ay sinawimpalad.

Loading…