PSG chief inaming ‘libre’ lang ang natanggap na bakuna; tumangging sabihin kung sino ang nagbigay

Imahe mula sa ABS-CBN News
  • Inamin ng PSG chief na nakatanggap sila ng libreng COVID-19 vaccine
  • Tumanggi naman ang opisyal na pangalanan ang nasabing ‘donor’
  • Ipinagtanggol rin ng Palasyo ang pagtanggap ng ‘tokens’ ng PSG dahil Pasko naman

Libre lang umano ang COVID vaccine na kanilang natanggap mula sa hindi pinangalanang donor. ayon kay Presidential Security Group (PSG) commander Brigadier General Jesus Durante III nitong Martes.

Inamin ni Durante na nabakunahan na nga ang kanilang unit subalit nalaman lamang umano ito ni Pangulong Rodrigo Duterte pagkatapos na ng vaccination.

Gumawa raw muna sila ng pagsasaliksik upang malaman kung ano ang nararapat na vaccine para sa kanila bilang protection detail ng presidente.

Imahe mula sa PSG

“We’ve done our research about it so we made by all means, we were able to acquire itong vaccine na ito for our unit alone. Wala kaming intent na ipakalat ‘yun sa iba,” ani Durante.

Tumanggi rin ang opisyal na sabihin kung sino ang nagbigay sa kanila ng bakuna.

“Hindi ko rin masabi actually eh kung saan namin nakuha ‘yun, source namin, but maybe someday you’ll find out, you’ll know someday. For now, huwag muna, it could jeopardize itong vaccination program, procurement ng government natin,” ayon pa sa PSG chief.

Ipinagtanggol naman ng Palasyo ang pagtanggap ng libreng bakuna ng PSG at minaliit ang posibleng paglabag ng grupo sa  Anti-Graft and Corrupt Practices Act (Republic Act 3019).

Imahe mula sa PCOO

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, bilang isang abogado ay naiintindihan niya na puwede namang tumanggap ng ‘tokens’ ang mga opisyal ng gobyerno kapag Pasko, lalo na kung ‘wala namang gaanong halaga’ ang regalo.

Tiniyak din ni Roque na PSG lamang ang nakatanggap ng bakuna at walang mayayamang personalidad o pulitiko na nakabilang dito.

Hinimok din ng tagapagsalita ng Malakanyang na huwag nang masyadong palakihin ang isyu dahil ang pinag-uusapan naman dito ay ang kalusugan at kaligtasan ng Pangulo.

Loading…