Rainbow-colored pedestrian lane sa Maynila pinasinayaan at ibinida ni “Yorme” Isko Moreno

  • Kinaaliwan ang “rainbow-colored pedestrian lane” sa Maynila
  • Pinangunahan mismo ni Manila City Mayor Isko Moreno ang pagpapasinaya at paglulunsad nito
  • Isinabay na niya ang pagpapaalala sa ordinansang naipasa sa kanilang lungsod hinggil sa pagsawata sa diskriminasyon sa LGBTQIA+ community

Pinasinayaan na ang ang bagong pinturang “rainbow-colored pedestrian lane” na matatagpuan sa Roxas Boulevard sa Maynila noong Miyerkules, Disyembre 9, 2020.

Makikita mismo ito sa opisyal na Facebook page ni Manila City Mayor Isko “Yorme” Moreno Domagoso na, isa sa mga sumusuporta sa karapatan ng LGBTQIA+ community.

Imahe mula sa Facebook account ni Isko Moreno Domagoso

“ICYMI: Pinasinayaan natin ang rainbow-colored pedestrian lane sa tapat ng Plaza Rajah Sulayman. Ito ang isang simbolo ng suporta sa pagmamahal para sa bawat isa, kasama ang LGBTQIA+ community ng Lungsod ng Maynila,” saad ni Yorme.

Ipinaalala rin niya na aprubado na ang ordinansa para sa pagsawata sa anomang porma ng diskrimasyon sa LGBTQIA+ community, gayundin ang gender at development code ng kanilang lungsod.  “Love wins” sabi pa niya.

“Paalala po: Napirmahan na po noong nakaraang mga linggo ang Anti-Discrimination Ordinance pati na rin ang Gender and Development Code of the City of Manila. #LoveWins #BagongMaynila.”

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Beautiful! Thank you everyone who had made this possible! Thank you Yorme!” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Ang masasabi ko lang po kay Mayor Isko ay ang aking taos-pusong pasasalamat sa lahat ng mga ginawa niyang paglilinis at pagbabago sa Lungsod ng Maynila. Sana naman matuto na rin tayo na sumunod sa mga batas na kanilang ipinatutupad upang sa gayon ay makatulong din tayo maski papaano sa ating bayan.”

Imahe mula sa Facebook account ni Isko Moreno Domagoso

“Mabuhay po kayo sampu ng inyong mga kasamahan na patuloy ang pagsusumikap para lamang sa ikabubuti ng lahat ng naninirahan sa Maynila. More powers and God bless you all!” pahayag naman ng isa.

Para kay Yorme, ang paglalagay ng rainbow-colored pedestrian lane sa Maynila ay simbolo ng kaniyang paggalang, pagsuporta, at paniniwala sa mga kakayahan ng LGBTQIA+ community.

“We wanted to recognize their actions, artistic minds, and talents. Iyon ang uniqueness ng Maynila. Napaka-diverse ng Manila,” ayon sa punong-lungsod.

Love wins talaga sa Maynila!

Loading…