Ramon ‘RJ’ Jacinto itinalaga bilang Presidential Adviser on Telecommunications

Imahe mula sa Alchetron
  • Itinalaga ni Pangulong Duterte si Ramon Jacinto bilang presidential adviser on telecommunications
  • Ang bagong posisyon ni Jacinto ay kaakibat ng ranggong Secretary
  • Dating nagsilbi si Jacinto bilang Undersecretary ng DICT

Itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte ang beteranong musician at negosyanteng si Ramon Jacinto bilang Presidential Adviser on Telecommunications na may kaakibat na ranggong Secretary.

Kinumpirma ng Palasyo na nilagdaan ni Duterte ang appointment ni Jacinto, o mas kilala bilang ‘RJ’, noong Nobyembre 25.

Dati nang nagsilbi sa administrasyong Duterte si Jacinto bilang Presidential Adviser on Economic Affairs and Information Technology at kinalaunan ay naging Undersecretary ng Department of information and Communications Technology (DICT) makaraang magbitiw noon si Undersecretary Eliseo Rio Jr.

Screenshot mula sa You Tube

Habang nasa DICT, pinamunuan ni RJ ang Government Digital Broadcast Television and the Digitization of the Entertainment Industry Sector ng ahensya.

“We are therefore confident that PA Jacinto would ably and effectively discharge his duties in this new assignment,” ani Presidential Spokesperson Harry Roque.

Dati na ring nagsilbi si Jacinto sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Fidel Ramos bilang Vice Chairman ng Presidential Committee on Flagship Programs and Projects sa loob ng tatlong taon, simula Marso 1995 hanggang  Marso 1998.

Imahe mula sa Prime Balita

Ang kilalang musikero ay nagtapos ng Economics with honors sa Ateneo de Manila University bago nagpatuloy sa pag-aaral ng Law sa University of Santo Tomas (UST) habang nagtatatrabaho noon sa Iligan Integrated Steel Mills, Inc. na pag-aari ng kaniyang pamilya.

Siya rin ang founder at chairman ng popular na rock-and-roll radio station na DZRJ at ng Rajah Broadcasting Network.

Noong 2016, ikinampanya ni Jacinto si Duterte sa pagkapangulo at sumulat pa nga ito ng campaign jingle para sa dating mayor ng Davao City.

Sa kasalukuyan, siya ay nagsisilbing chairman of the board ng Philippine Overseas Telecommunications Corp., ang holding company ng Philippine Communications Satellite Corporation (Philcomsat).

Loading…