Roque nilinaw na walang nakaambang lockdown ngayong Kapaskuhan: “Fake news po”

Imahe mula sa The Straits Times
  • Walang katotohanan ang kumalat na usap-usapang isasailalim sa lockdown ang buong bansa ngayong Kapaskuhan
  • ‘Fake news’ umano ito at walang basehan ayon sa ilang opisyal ng administrasyon
  • Hinimok rin nila ang publiko na ‘wag nang ipakalat ang maling balitang tulad nito

Itinanggi ng Palasyo ang kumakalat na usap-usapan na isasailalim sa lockdown ang buong bansa ngayong Christmas holiday dahil sa pangambang lalo pang kumalat ang coronavirus.

Mayroon kasing kumalat na text message at tweet na nagsasabing magkakaroon ng nationwide lockdown simula Disyembre 22 at tatagal ito hanggang Enero 2 sa susunod na taon.

Image by Harry Roque via Facebook

“Fake news po,” paglilinaw ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa ipinadalang text message sa mga mamamahayag.

Hinimok naman ni Cabinet Secretary Karlo Nograles ang publiko na ‘wag maniwala sa fake news at lalong ‘wag na itong ipakalat pa.

“Do not believe fake news. Alamin ang totoo. Huwag maniwala at huwag po magkalat ng fake news lalo na ngayong panahon. Patuloy lang po tayo maging responsable sa sarili at sa pamilya,” ani Nograles.

Kahit si Interior Secretary Eduardo Año ay itinanggi rin ang kumalat na tsismis dahil hindi naman daw ito napag-usapan sa pagpupulong ng IATF bukod sa wala naman itong basehan.

“Wala namang proposal na ganyan sa IATF saka walang basis,” ayon kay Año.

Sa kabila nito, hindi naman isinasantabi ng Department of Health (DOH) ang pagpapatupad ng mahigpit na lockdown subalit posible lang umano ito pagkatapos na ng Christmas season kung kailan pinangangambahan ang muling pagdami ng kaso ng COVID-19.

Imahe mula sa National Geographic

Subalit nilinaw ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na ‘last option’ na lamang ito at depende rin kung talagang muling lumubo ang bilang ng kaso ng COVID-19 pagtapos ng Kapaskuhan.

Titingnan diumano ang magiging kapasidad ng health care system ng bansa kung sakaling mangyari nga ito, ayon pa sa DOH official.

“When I say we assess the situation, it is not just the number that we talk about, we talk about the capacity of the health system,” ani Vergeire.

Sa kasalukuyan, nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ) ang buong Metro Manila, probinsiya ng Batangas at Lanao del Sur,  at mga siyudad ng Iloilo, Tacloban, Iligan, at Davao hanggang katapusan ng Disyembre, habang nasa ilalim naman ng modified general community quarantine (MGCQ) ang nalalabing bahagi ng bansa.

Loading…