Sako-sakong food products na 2 taon nang expired, ibinebenta pa sa GenSan

Screenshot mula sa GMA video
  • Sako-sakong expired food items ang nasamsam ng mga awtoridad sa GenSan
  • Karamihan sa mga produkto ay expired na noon pang 2018
  • Inginuso ng isang nahuling suspek ang bodega na pinag-iimbakan ng mga expired na pagkain

Napuno ang isang truck ng mga sako-sakong expired food products na ibinebenta pa sa mga tindahan sa iba-ibang barangay sa General Santos City (GenSan) na kinumpiska ng mga awtoridad noong Biyernes, December 11.

Screenshot mula sa GMA video

Ayon kay Major Patrich Elma, hepe ng Makar Police Station, natagpuan ang mga expired grocery items na inabandona sa isang bodega malapit sa isang ilog sa Purok Cabuay sa Barangay Sinawal sa nabanggit na siyudad.

Kabilang sa mga produktong nasamsam ay branded coffee packs, instant noodles, sari-saring mga kendi at iba-ibang brands ng spaghetti na karamihan ay expired na noon pang taong 2018.

“The product labels showed that they were already past their expiration date. But some unscrupulous individuals are still selling them,” sabi ni Elma sa media.

Nadiskubre ng pulisya ang bentahan ng mga ito matapos magsumbong ang isang concerned citizen na nagsabing isang tricycle ang nag-deliver ng ilang expired products sa isang barangay doon.

Nagsagawa ng operasyon ang mga tauhan ni Elma na agad namang natunton ang tricycle na ang driver ay nakilalang si Arnulfo Deleno. Pitong sako ng mga expired grocery items ang nakuha sa kanya ng mga awtoridad. Nabili umano niya ang mga iyon sa isang hindi nakilalang negosyante sa Barangay Sinawal.

Screenshot mula sa GMA video

Itinuro ni Deleno ang lokasyon ng bodega kung saan niya nabili ang mga expired products, ngunit wala na roon ang taong binilhan niya.

Inaalam na kung saan nanggagaling ang mga expired na pagkain habang patuloy ang folow-up operation ng awtoridad. Binalaan ni Elma ang mga residente na huwag tangkilikin ang mga iyon dahil posible umanong pagmulan ng problema sa kalusugan.

Screenshot mula sa GMA video
Source :

PNA, YouTube

Loading…