Sarhento sa Tarlac incident, sising-sisi sa nagawa sa mag-inang kapitbahay

Imahe mula sa Paniqui Municipal Police Station
  • Sarhento sa insidente sa Tarlac, sising-sisi raw sa kanyang nagawa
  • Sinabi ng hepe ng Paniqui Municipal Police Station na personal itong sinabi sa kanya ng suspek na si Senior Master Sergeant Jonel Nuezca
  • Sinabi raw ni Nuezca na nagdilim ang paningin niya nang sabunutan ng isang biktima ang kanyang anak

Pinagsisisihan daw ni Senior Master Sergeant Jonel Nuezca ang nagawa niya sa mag-inang kapitbahay niya sa Paniqui Tarlac na sina Sonya Gregorio, 52 anyos, at 25-anyos nitong anak na si Frank Anthony Gregorio.

Imahe mula sa Rosales, Pangasinan Municipal Police Station

Ito ay ayon kay Lieutenant Colonel Noriel Rombaoa, ang hepe ng Paniqui Municipal Police Station.

Sabi ni Rombaoa, personal niyang nakausap ang suspek matapos itong sumuko sa kanila noong Linggo ng gabi, December 20.

“Nakausap ko na po at aminado naman siya na nagawa niya iyong pangyayaring iyon at sising-sisi siya sa nagawa niyang iyon,” wika ni Rombaoa, na ibinahagi pa kung ano ang pinag-ugatan ng nakagigimbal na pangyayari.

“Magkapitbahay po kasi itong suspect natin at biktima kung saan kahapon may narinig itong suspect natin na nagpapaputok ng “b0ga.” So, nagresponde siya and then pagresponde niya nagkasagutan sila nitong isang biktima, itong si Frank Anthony Gregorio,” lahad ng hepe ng istasyon.

Ang “b0ga” na nabanggit ay ang laruang kanyon na yari sa mga used softdrink cans na pinagdugtong-dugtong na karaniwang ginagamit na pampa-ingay sa pagsalubong sa Bagong Taon.

Screenshot mula sa YouTube video

“Inaawat naman nitong si Sonya ‘yung anak niya. Then, dumating sa punto na ‘yung anak ng pulis ay nagkasagutan sila nitong matandang babae and doon na nagdilim ang paningin siguro ng suspect at b*naril niya itong dalawang biktima,” patuloy pa ni Rombaoa.

Ang sabi raw sa kanya ng suspek ay sinabunutan ng biktimang si Sonya Hernandez ang anak niya kaya nagdilim ang kanyang paningin.

“According to him sinabunutan daw ng matanda ‘yung anak niya pero wala naman kaming nakita doon, basta nagkasagutan lang sila,” sabi pa ng opisyal.

Ang insidente ay nakuhanan ng video at mabilis itong kumalat sa social media at news sites. Kinondena ng mga mambabatas ang pangyayari. Sinabi ni Senator Panfilo Lacson na dapat mabulok sa kulungan si Nuezca, na napag-alamang sari-saring mga kaso na ang kinaharap noon pa man.

Imahe mula sa ABS-CBN

Loading…