Sen. Bato bumubuti na ang kalagayan matapos isugod sa ospital dahil sa COVID

Imahe mula sa Facebook
  • Bumubuti na ang kalagayan ni Senador Bato Dela Rosa matapos ma-confine sa ospital dahil sa COVID
  • Apat pang kasama sa bahay ng mambabatas ang nagpositibo sa virus kabilang na ang kaniyang anak na babae
  • Si Dela Rosa ang ikalimang senador na nagpositibo sa virus simula noong Marso

Makaraan ang mahigit isang linggong pagkaka-confine sa pagamutan, bumubuti na ang kalagayan ni Senador Ronald ‘Bato’ Dela Rosa na nagpositibo sa COVID-19 sampu ng kaniyang anak at mga kasama sa bahay.

Dinala sa ospital si Dela Rosa noong Nobyembre 23 ng gabi matapos makaranas ng sintomas ng virus tulad ng ubo, sipon at lagnat.

Sa mensahe na ipinadala ng kaniyang tanggapan sa mga mamamahayag nitong Huwebes, Disyembre 3, sinabi nitong sinisiguro lang ang monitoring sa kalagayan ng senador kaya ito dinala sa hindi pinangalanang ospital.

Imahe mula sa Facebook

Anumang araw umano ay maaari nang ma-discharge ang mambabatas.

“Since Nov. 23 po siya nasa hospital but improving na po pakiramdam niya,” ayon sa text message. “As per his daughter po, tomorrow po completion ng 14-day quarantine, so palabas na rin po ng facility.”

Noong Nobyembre 21, kinumpirma ni Dela Rosa sa kaniyang Facebook post na nagpositibo siya sa coronavirus. Nahawaan din umano ng virus ang kaniyang anak na babae, family driver at isang kasambahay.

Pinaniniwalaang nakuha ng kasambahay ang virus matapos itong magpagupit sa isang salon.

Imahe mula sa Facebook

“We promised each other to win this battle together until last night on the eve of your birthday, we were separated because I had to be transferred to an undisclosed hospital,” mensahe pa ng senador sa kaniyang 31 anyos na anak na babae noong kaarawan nito, Nobyembre 23.

“We say times are so cruel sometimes but we know everything happens for a reason. God designed it to make us a better person,” wika pa ng mambabatas.

Si Dela Rosa ang ikalimang senador na nagpositibo sa  coronavirus simula noong Marso.

Kabilang sa mga nahawahan dati ay sina Senador Koko Pimentel, Senador Migz Zubiri, Senador Sonny Angara at Senador Bong Revilla Jr., na lahat naman ay gumaling.

Loading…