Singapore ‘cruise to nowhere’ bumalik matapos magpositibo sa COVID ang isang pasahero

Imahe mula sa The Guardian
  • Napilitang bumalik sa daungan ang isang Royal Caribbean cruise sa Singapore
  • Ito ay matapos magpositibo sa COVID-19 ang isang pasahero
  • Nakaranas ng sintomas ang pasahero habang nasa biyahe bagama’t negatibo ito sa virus bago sumampa

Ilang raw matapos lumayag, napilitang bumalik sa daungan ang isang Royal Caribbean cruise sa Singapore matapos magpositibo sa coronavirus ang isa sa mahigit 1,600 na pasahero nito.

Base sa ulat ng South China Morning Post (SCMP), bumalik ang Quantum of the Seas na isang ‘cruise to nowhere’ ng Royal Caribbean, dahil nagpositibo sa COVID-19 ang 83-anyos na lalaking pasahero nito.

Nangyari ito sa pangatlong araw ng apat na araw na cruise at dumaong na muli ang barko nitong Miyerkules nang umaga.

Imahe mula sa SCMP

Napag-alaman na nagnegatibo ang pasahero bago ito sumampa ng barko noong Lunes. Subalit habang nasa biyahe, nakaranas umano ito ng mga sintomas tulad ng pagdudumi kaya napilitang mag-report sa medical center ng barko.

Kaagad namang isinailalim ang lalaki sa mandatory COVID-19 polymerase chain reaction test at nalamang positibo ito sa virus.

Hindi naman kaagad pinababa ang mga pasahero hangga’t hindi nakukumpleto ang contact tracing, ayon sa Royal Caribbean.

“We identified and isolated all guests and crew who had close contact with this guest, and each of those individuals have subsequently tested negative for the virus,” pahayag ng Royal Caribbean.

Quantum of the Seas| Imahe mula sa Mothership

Nitong Oktubre ay muling inilunsad ng Singapore Tourism Board (STB) ang ‘cruise to nowhere’ para sa mga citizens ng bansa bilang hakbang upang muling pasiglahin ang turismo. Ang royal cruises ang isa sa pinamatinding naapektuhan ng pandemya dahil sa maraming insidente kung saan kumalat ang virus sa mga sakay ng barko.

Ang ‘cruise to nowhere’ ay walang port of call dahil iikot lamang ito bago babalik sa daungan makaraan ang itinakdang araw.

Isa lamang ang Royal Caribbean sa dalawang cruise company na pinayagan ng STB na muling mag-operate matapos ang pina-relax na health protocol sa bansa.

Loading…