Telcos na ‘di tutupad sa ipinangakong internet speed, nais pagmultahin ng P1-milyon kada araw

Imahe mula sa PNA
  • Nais pagmultahin ng isang solon ang mga telcos na ‘di tutupad sa ipinangakong internet speed
  • Isang milyong piso kada araw o P365-M kada taon ang gustong ipataw na multa ni Rep. Campos
  • Sobrang bagal daw kasi ng internet sa bansa at kulelat sa mga kapitbahay natin sa ASEAN

Isinusulong ngayon ng isang mambabatas sa Mababang Kapulungan ang panukalang pagmultahin ng isang milyong piso kada araw ang telecommunication companies (telcos) na hindi tutupad sa kanilang ipinangakong internet speed.

Sa House Bill 7479 na inihain ni Makati City Rep. Luis Campos Jr., bibigyan ng kapangyarihan ang National Telecommunications Commission (NTC) na magpataw ng multa sa mga telcos na nagkakahalaga ng P1-M kada araw o P365-M kada taon kapag nabigo silang tuparin ang pangakong bilis ng internet.

Rep. Luis Campos| Imahe mula sa Facebook

“Filipinos deserve faster Internet speeds, which have been associated with higher economic productivity, stronger jobs creation and greater quality of life,” ayon sa pahayag ni Campos.

“We want the NTC to set faster Internet speed targets every year, and then penalize the service providers that fail to deliver,” saad pa ng kongresista.

Sa buong mundo umano ay kulelat pa rin ang internet speed ng Pilipinas at kahit sa miyembro ng ASEAN, tayo ang pangalawa sa pinakamababa.

“In fact, our 18.49 Mbps represents just 60 percent of the 30.94 Mbps average mobile internet speed across all ASEAN members,” ani Campos.

Ibinahagi rin ng mambabatas na nangunguna ang United Arab Emirates sa buong mundo sa internet speed doon na 170.30 Mbps habang pinakamabagal naman sa Afghanistan na mayroong 6.31 Mbps lamang para sa ika-139 na puwesto.

Imahe mula sa iMoney.ph

Sa usaping fixed broadband, nasa ika-103 lamang umano ng Pilipinas sa bilis ng internet na 28.69 Mbps; malayong-malayo sa nangungunang Singapore na mayroong 241.10 Mbps internet speed.

“We are more concerned about mobile Internet speed because an overwhelming majority of Filipinos now access the web through their smartphones via their cellular telephone service provider,” dagdag pa ng mambabatas.

Sa data ng 2020 Speedtest Global Index, talo pa ng ibang bansa ang Pilipinas (110th) pagdating sa mobile internet speed tulad ng Kazakhstan (107th), Cambodia (102nd), Ethiopia (99th), Laos (81st), Vietnam (63rd), Thailand (44th), at (Malaysia 88th).

Maging sa fixed broadband ay wala ring panama ang Pilipinas (103rd) sa Laos (101st), Bangladesh (97th), Kazakhstan (65th), Vietnam (59th), at Malaysia (43rd).

Loading…