Tulungan ng magkakapitbahay sa pagluluto para sa handaan, ginagawa pa ba sa kasalukuyan?

  • Sinariwa ng mga netizens ang isa sa mga kaugalian ng mga Pilipino na nagpapakita ng pagtutulungan
  • Ito ay ang sama-sama o tulong-tulong na pagluluto kapag may handaan o kasiyahan sa bayan
  • Isa umano itong anyo ng bayanihang hindi dapat mawala sa kulturang Pilipino

Isa sa mga kaugaliang Pilipinong nararapat na ipagpatuloy ay ang pagtutulungan, pagdadamayan, at bayanihan. Sa anomang paraan, ibibigay at ipagkakaloob ang tulong, malaki man o maliit. At isa sa mga kadalasang paraan upang ipakita ang pagtutulungan noon ay sa pamamagitan ng sama-samang pagluluto ng mga kapitbahay kapag may handaan sa baryo o sitio.

Iyan ang binalikan sa Facebook page na “Pinoy Memories” kung saan makikita ang larawan ng mga kawa o malalaking kawali na nakahilera at pinaglulutuan. Ayon sa caption, “Ganito ang kultura ng Pilipinas kapag may handaan o okasyon na magaganap tulad na lamang ng kasalan, binyagan o kaarawan.”

Imahe mula sa Facebook page na Pinoy Memories / Public Domain Image

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Dati, noong ikinasal ang Kuya ko, wala kaming masyadong mga gamit sa kusina. Ang ginawa ng mga kapitbahay namin, ipinahiram sa amin ang mga kasangkapan nila: magmula sa mga kawa, sandok, kawali, kaldero, kaserola, palayok, pati mga pinggan at kubyertos. Buhay na buhay iyan lalo na sa mga lalawigan. Ewan ko na lang kung ginagawa pa iyan ngayon, lalo na’t may pandemic,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Yes, those were the days, lalo na kapag pista sa nayon. Usong-uso ang boodle fight at napakasaya talaga! Sa ngayon bawal muna ang mga social gatherings dahil sa pandemya. Kaya sana nga matapos na ito, para magawa na ulit ang mga bagay na iyan.”

“Nakasanayan na sa mga lalawigan noon, na kapag may handaan, talagang nagtutulong-tulong ang mga magkakapitbahay sa paghahanda, lalo na sa pagluluto ng iba’t ibang putahe. Saka kailangang kumbidado ang lahat, kasi kapag may nakaligtaan, tiyak na magtatampo. Napakainit talaga natin sa pagtanggap sa mga panauhin. Isang uri ito ng bayanihan na hindi dapat mabura o mawaglit sa ating lahi.”

Public Domain Image

At kung sama-sama sa pagluluto, huwag kayong mag-alala dahil tulong-tulong din sa pagliligpit at paghuhugas ng mga kawa at iba pang mga kasangkapang ginamit sa kasiyahan.

Ikaw, naranasan mo na rin ba ito?

Source :

Facebook

Loading…