Usapan ng isang law student at tricycle driver nagpaantig sa damdamin ng mga netizens

  • Nagdulot ng inspirasyon sa mga netizens ang usapan ng isang mag-aaral at tricycle driver
  • Tinawag kasing “attorney” ng tricycle driver ang kaniyang pasaherong law student
  • Bilang sukli, tinawag namang “engineer” ng law student ang naturang tricycle driver na nakapagpangiti rito

Nagpaantig sa mga netizens ang ibinahaging usapan ng isang law student at tricycle driver sa Naga City.

Ibinahagi ng netizen na si Kristela Santos sa kaniyang Facebook post ang kaniyang simple subalit nakaaantig na pakikipag-usapan sa driver ng tricycle na kaniyang nasakyan nang minsang pauwi na siya mula sa isang sikat na mall.

Imahe mula sa Facebook account ni Kristela A. Santos / Public Domain Image

Salaysay niya, magiliw ang naturang tricycle driver na may edad na at isang padre de pamilya. Tinanong siya nito kung pumapasok siya sa paaralan, at magalang naman niyang sinagot na siya ay nag-oonline class. Pagkatapos, ibinahagi nito na napatigil sa pag-aaral ang anak niya dahil sa humina ang biyahe mula nang magkaroon ng lockdown dulot ng pandemya.

Nang mabanggit ng mag-aaral na siya ay nangangarap na maging abogado, sinabi ng tricycle driver na iyon din ang pangarap na propesyon ng kaniyang anak. Kaya lamang, hindi niya mapagbibigyan ang kursong nais nito dahil masyado raw mahal. Nagtatampo raw ang anak dahil doon.

“Alam ko naman ho na ginagawa ninyo lahat eh para mabigyan ng magandang future anak ninyo,” sabi ng mag-aaral sa tricycle driver.

Tumugon naman ang tricycle driver, “Oo naman neng. Ako nga dati pangarap ko mag-engineer, sa hirap ng buhay di ko kinaya.”

Nang pumara na ang mag-aaral, bago tuluyang umalis ay sinabihan siya ng tricycle driver na “Sige, attorney, ingat ka.” Bilang ganti, tumugon naman ang mag-aaral: “Salamat po, engineer!” sabi niya, at ngumiti ang tricycle driver.

Imahe mula sa Facebook account ni Kristela A. Santos / Public Domain Image

Aniya, napakasarap sa pakiramdam na kahit simple lamang ang kanilang usapan ng naturang tricycle driver, ay nagawa niyang mapasaya ito sa simpleng pagkapit dito ng taguring “engineer” na pinangarap niya noong kaniyang kabataan.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Kaya yung mga batang kayang pag-aralin ng mga magulang, sana magsikap kayo dahil ‘di lahat nabibigyan ng oportunidad para makapag-aral at matupad ang pangarap, kaya thank you rin sa Tatay namin na kahit anong hirap ng buhay, iginapang kaming magkakapatid para makatapos ng pag-aaral,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “To anyone who is reading this, we may not know each other… pero always remember na kaya ninyo ‘yan. Don’t give up and keep on moving forward, life is all about problems and how you handle it. Huwag kayong papayag na ang problema ang tumapos sa inyo.”

“You have all the power to make your life into what you want. Nakapagpapalakas ng loob ang mga pahayag o salitang simple subalit may affirmation,” wika naman ng isa.

Kaya kung may pagkakataong makapagbigay ng magagandang salita sa kapwa, gawin ito, dahil maaaring ito na pala ang makapagpasaya o makapagbigay ng inspirasyon sa kaniya upang patuloy na lumaban sa buhay.

Source :

Facebook

Loading…