Willie Revillame nakatanggap ng regalong relo na nagkakahalaga ng P10-M

Screenshot mula sa YT video
  • Binigyan si Kuya Wil ng mamahaling relo ng kaniyang milyonaryong kaibigan
  • Nagmula ito kay Sam Versoza, ang CEO ng Frontrow
  • Kaagad namang naispatan ito ng mga netizen na suot ng comedian-host sa Wowowin

Nakatanggap si Willie Revillame ng isang mamahaling regalo mula sa kaniyang kaibigan na si Sam Versoza, ang milyonaryong CEO ng Frontrow.

At hindi lang ito basta mamahalin, kung hindi isang relo na nagkakahalaga ng milyones na karaniwan ay mga mayayaman lamang ang nakabibili at nakasusuot.

Screenshot mula sa YT video

Sa episode ng Wowowin noong Lunes, Nobyembre, suot ito ng comedian-host at hindi nakalagpas sa paningin ng mga eagle-eyed netizen.

Ang nasabing relo, na may kulay orange na strap, ay isang RM 011 Felipe Massa na gawa ng Swiss watch maker na si Richard Mille.

Ayon PEP, nagkakahalaga ito ng P10-M dahil gawa sa titanium at itinuturing na isang collector’s item.

Sa naunang episode ng Wowowin, personal itong ibinigay ni Sam Versoza kay Kuya Wil bilang regalo umano niya. Makikita rin na nakasuot ng katulad na relo ang may-ari ng Frontrow bagama’t kulay puti ang strap ni Versoza.

Kuya Wil at Sam Versoza| Screenshot mula sa YT video

Malaki naman ang pasasalamat ni Willie sa kaniyang kaibigan na lagi niya umanong binibiro sa suot nitong relo.

“Basta ito ay galing sa…. Priceless ‘yan kasi bigay ito sa akin ni Sam Versoza, napakabait, tumutulong si Sam sa ating mga kababayan, alam ninyo naman ‘yan, Frontrow at si RS (Francisco),” bahagi ng Wowowinn host.

“Sam Versoza, Direk RS thank you ha. Bigay ng Frontrow sa akin ‘to…Regalo ‘to sa nagreregalo,” ayon pa kay Kuya Wil.

Screenshot mula sa YT video

Si Willie ay kilalang matulungin sa mga nangangailangan at hindi na mabilang kung ilang beses siyang nagbigay ng donasyon sa mga nasalanta ng kalamidad.

Kamakailan lamang ay nagbenta si Willie ng dalawang sasakyan at ang pinagbentahan nito ay ipinamahagi niya sa mga naapektuhan ng bagyong Rolly at dinaanan ng baha sa Marikina at Rizal.

Panoorin ang episode ng Wowowin:

Source :

You Tube, PEP.ph

Loading…