Xander Ford pansamantalang nakalaya matapos makapagpiyansa

Screenshot mula sa Star Image Digital Network video
  • Xander Ford nakulong kaugnay ng reklamong isinampa sa kanya ng dating kasintahan
  • Humingi si Xander Ford ng tawad sa ex-girlfriend at nangako pang magiging malaki ang kanyang pagbabago simula 2021
  • Pansamantala na siyang nakalaya matapos makapagpiyansa ng P18,000

Sa isang madilim at masikip na piitan humantong si Marlou Arizala, na kilala bilang Xander Ford, matapos siyang damputin ng mga awtoridad sa isang restaurant sa Pasay City sa bisa ng isang warrant of arrest mula sa Manila Regional Trial Court Branch 38.

Screenshot mula sa Star Image Digital Network video

Kasong paglabag sa RA 9262 o Violence Against Women and their Children ang isinampa kontra kay Xander Ford dahil sa mga reklamo ng dati niyang kasintahan na si Ysah Cabrejas.

Kinumpirma ng Star Image Artist Management na nakapiit nga si Xander Ford sa pamamagitan ng Facebook livestreaming.

Labingwalong libong piso ang itinakdang piyansa para sa pansamantalang paglaya ng social media personality at nitong Miyerkules ng gabi, December 23, ay nakapagpiyansa na siya sa tulong ng kanyang management.

Ayon kay David Cabawatan ng Star Image Artist Management, sa ngayon ay hindi pa naman napatutunayan sa korte na nagkasala ang kanilang talent, subalit sakali mang mapatotohanan ang mga paratang kay Xander ay hindi nila umano ito kukunsintihin.

Screenshot mula sa Star Image Digital Network video

Inamin ni Cabawatan na hindi niya maipaliwanag kung bakit pa nila tinutulungan si Xander Ford na ilang ulit na umanong nagbigay sa kanila ng sakit ng ulo. Hindi raw nila ito matiis, lalo na’t magpapasko na.

Sa mensahe ni Xander Ford para sa kanyang dating girlfriend, ipinahiwatig niya na inosente siya sa ibinibintang nito.

“Para sa ex-girlfriend ko, alam ko parehas tayong nasaktan sa mga nangyari sa atin. Alam ko nakikita mo ‘to. Kahit wala akong ginawa, pagsisisihan ko na lang,” aniya.

Sana raw ay patawarin na siya ni Ysah at maayos na ang lahat. Ipinangako niya rin na sa taong 2021 ay makikita ang malaki niyang pagbabago.

Screenshot mula sa Star Image Digital Network video

Loading…