Yorme aminadong mahirap makontrol ang pagdagsa ng mga tao sa Divisoria

Screenshot mula sa GMA video
  • Crowd control sa Divisoria mahirap ipatupad ngayong palapit na ang holiday seasaon, ayon kay Mayor Isko Moreno
  • Ang Divisoria ang shopping mecca ng bansa kung saan dumarayo ang mga tao hindi lang mula sa Maynila kundi maging sa ibang probinsya upang makabili ng murang produkto
  • Nakiusap si Yorme sa mga dumarayo sa Divisoria na magsuot ng face mask, face shield, mag-disinfect at ugaliin ang physical distancing

Aminado si Manila Mayor Isko Moreno na hindi magagarantiyahan ng city government na makokontrol nito ang pagdagsa ng mga mamimili sa Divisoria lalo na ngayong papalapit na ang holiday season.

Imahe mula sa Manila PIO

Sinabi ni Yorme sa isang interview na ang Divisoria ay lugar na bilihan ng mga murang produkto hindi lang ng mga residente ng Lungsod ng Maynila kung hindi pati na ng mga naninirahan sa iba’t ibang probinsya.

Kahit may pandemya ay hindi pa rin mapigil ang mga tao na makipagsiksikan sa shopping mecca ng bansa upang makabili ng mga murang bilihin.

“Kasi ‘yan sentro ng distributorship, maraming namimili para ibenta rin sa kani-kanilang mga probinsya o lugar. Talagang bilihan ngayong Pasko,” paliwanag ng alkalde na nangakong pananatilihing off limits sa mga vendors ang Recto Avenue at ang Juan Luna Street.

“As I promised you, ang Recto mananatiling walang obstruction, at Juan Luna,” aniya.

At sa mga lugar na pinapayagan ang mga vendors ay magtatalaga ang city government ng mga COVID marshalls at karagdagang enforcement unit na magpapaalala sa mga mamimili na panatilihin ang disiplina.

Imahe mula sa Facebook account ni Jirume Manta

“Ang Soler, Ilaya, Tabora, Carmen Planas, El Cano, Sto. Cristo, we will continue to manage the influx of the people, we will put order in our own little way and we will repeat our effort na maglagay ng COVID martial, and additional enforcement unit para magpaalala. We will continue to remind the people to really care for themselves and practice nila ang self-discipline,” sabi pa ni Mayor Isko.

Ang pakiusap ni Yorme sa mga shoppers na hindi maiwasang mag-bargain hunting sa Divisoria ay gawin ang minimum health standards na ipinatutupad ng pamahalaan upang makaiwas sa COVID-19.

Sabi niya, “Kakaiba po ang panahon ngayon. Ngayon po ay may pandemya at impeksyon. Nakikisuyo po ako, wear your mask. Kung kaya niyong bumili, bumili kayo ng face shield. Wash your hands and practice physical distancing.”

Imahe mula sa Facebook account ni Jirume Manta

Loading…