2 pasahero na close contacts ng lalaking may UK variant natunton na ng NBI

Imahe mula sa ABS-CBN News
  • Natunton na ng NBI ang dalawang pasahero na close contacts ng lalaking bumiyahe galing Dubai
  • Nai-turn over na umano sila sa DOH para sa kaukulang aksyon
  • Sa kabuuan, walong co-passengers at 5 close contact ng lalaki ang nagpositibo sa COVID

Tatlong araw matapos hingian ng tulong ng Health department, natunton na ng National Bureau of Investigation ang dalawang pasahero na kapwa close contacts ng lalaking unang na-detect na may UK variant ng COVID matapos bumiyahe galing Dubai.

Sa pahayag na inilabas ng Department of Justice (DOJ), nakita na umano ng NBI team ang dalawang pasahero na ayon sa DOH ay mali ang contact details na ibinigay.

Imahe mula sa PNA

“The DOJ through the NBI, has located and turned over to the DOH one close contract, of the first arriving passenger who tested positive for the UK variant of Covid 19,” wika DOJ Sec. Menardo Guevarra nitong Lunes.

Noong Biyernes, dumulog ang DOH sa tanggapan ng Nationa Bureau of Investigation (NBI) para matunton ang dalawang pasaherong nakasabay ng lalaking nagpositibo sa bagong COVID variant na residente ng Quezon City.

BASAHIN: DOH dumulog na sa NBI para matunton ang 2 co-passenger ng lalaking may UK variant

Sakay ng Emirates Dubai-Manila Flight EK332, umuwi sa bansa ang Pinoy traveler noong Enero 7 at nadiskubreng positibo siya sa bagong variant. Kaagad nagsagawa ng contact tracing ang DOH para sa 159 pasahero ng nabanggit na flight.

Halos inabot rin ng dalawang linggo bago natunton ng contact tracing ang pinakahuling dalawang pasahero.

“The two close contacts were co-passengers in the flight from Dubai who had not been traced by the DOH. The NBI found one in Cavite,” bahagi pa ni Guevarra.

Walong co-passengers at limang close contacts ng lalaki ang nagpositibo sa COVID-19 at ngayon ay dinala na sa isolation facility para obserbahan.

Kabilang dito ang kaniyang ina kahit hindi naman niya nakasalamuha pagkauwi ng bansa, ang kaniyang kasintahan na kasama niya sa biyahe, at isang health care worker na nag-alaga sa kaniya.

Sa kasalukuyan, hinihintay na ang resulta ng genome sequencing ng kanilang tests upang malaman kung positibo rin sila sa UK variant.

Loading…