38 close contacts ng mga pasyenteng may UK variant nagpositibo rin sa COVID-19

Imahe mula sa PNA
  • Umabot na sa 38 katao na close contacts ng 13 pasyente ang nagpositibo rin sa COVID
  • Hinihintay pa ang resulta kung positibo rin sila sa UK variant
  • Sa ngayon, 17 katao na ang infected ng UK variant sa bansa

Nasa 38 katao na close contacts ng 13 na infected ng UK variant sa Bontoc, Mt. Province at La Trinidad, Benguet ay nagpositibo rin sa COVID ayon sa pinakahuling update ng Department of Health (DOH) nitong Lunes.

Magugunitang 16 na bagong kaso ng UK variant ng COVID ang naitala nitong mga nagdaang araw maliban sa lalaking taga-Quezon City. Sa 16 na kasong ito, 12 ang taga-Bontoc, at tig-iisa ang mula sa La Trinidad, Calamba, Binangonan at Iloilo.

Imahe mula sa PNA

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, para sa 12 kaso sa Bontoc, 34 na close contact ng mga ito ay nagpositibo rin sa COVID-19.

Sa taga-La Trinidad naman, 4 na miyembro ng kaniyang pamilya ang nahawahan niya ng COVID kabilang na ang kaniyang nanay, tatay, lola at kapatid.

Itinuturing na rin ngayong ‘index case’ ng UK variant sa bansa ang isang taga-Bontoc na dumating sa bansa noong Disyembre 13 kung kailan nagnegatibo siya sa COVID. Umuwi umano ito sa kanilang bayan kinabukasan at noong Disyembre ay nagdiwang ng Pasko kasama ang pamilya.

Imahe mula sa Pixabay

Disyembre 26 naman ay dumalo ito sa isang ritwal bilang bahagi ng kanilang paniniwala at Disyembre 29 siya unang nakaramdam ng sintomas.

Apat sa kaso sa Bontoc ay itinuturing na ‘first generation’ o direktang close contacts ng 12 pasyente, kabilang na ang ‘index case’.

Sa kabuuan, 144 na close contacs ng 12 kaso sa Bontoc ang nakilala na, habang 97 naman ang para sa kaso sa La Trinidad.

Nilinaw naman ng DOH na hinihintay pa nila ang resulta ng genome sequencing ng mga infected upang malaman kung positibo rin sila sa bagong variant.

Imahe mula sa ABS-CBN News

Para naman sa dalawang returning overseas Filipinos (ROF) na taga-Iloilo at Binangonan, natunton na umano ang taga-Iloilo habang ang taga-Binangonan ay vinei-verify pa. Iyong sa Calamba naman ay iniimbestigahan pa rin, ayon sa DOH.

“So, take note that based on the latest available data, our case from Calamba City is not linked to cases from La Trinidad or Bontoc. We are still verifying if there is a link between the La Trinidad case to the Bontoc cases,” ani Vergeire.

Inaalam na rin ng DOH kung ang 16 na bagong kaso ng UK variant ay may kaugnayan sa lalaking taga-QC  na unang napaulat at dating itinuring na ‘patient zero’ sa bansa.

Loading…