7 opisyal ng OSG nagpositibo sa COVID-19; tanggapan pansamantalang isinara

Imahe mula sa Abogado
  • Pitong empleyado ng Office of the Solicitor General ang nagpositibo sa COVID-19
  • Dahil dito, isinara muna pansamantala ang kanilang tanggapan sa Makati City simula Enero 18 hanggang Enero 20
  • Kabilang sa nahawahan ng virus ang isang assistant solicitor general na kasali sa oral arguments ng Korte Suprema

Pansamantalang ikinandado ang tanggapan ng Office of the Solicitor General (OSG) sa Makati City matapos magpositibo sa COVID-19 ang ilang empleyado ng ahensiya.

Sa inilabas na anunsiyo ng OSG, sinabi nitong pito sa kanilang mga kawani ang nagpositibo sa virus matapos sumailalim sa RT-PCR testing at lumabas ang resulta nitong Biyernes, Enero 15.

Imahe mula sa Philstar

Dahil dito, napilitang magsara pansamantala ang OSG simula sa Lunes, Enero 18, hanggang Miyerkules, Enero 20 upang maiwasang kumalat at magkahawaan pa ang mga empleyado.

Maaari lamang umanong makipag-ugnayan sa kanilang opisina sa pamamagitan ng online communication.

“During said period, no documents will be personally received by the office. Instead, parties may email [email protected] for documents they intend the OSG to receive during the lockdown. All other documents may be emailed to [email protected],” ayon sa pahayag ng OSG.

Sa loob ng dalawang araw na sarado ang OSG ay isasailalim ito sa malawakang disinfection kaya wala ring papayagang makapasok sa kanilang tanggapan.

“Only personnel from the sanitation and disinfection team will be allowed in the premises. All other employees will continue to perform their work/functions under alternative work arrangements,” dagdag pa ng OSG.

Magugunitang humiling ang OSG sa Korte Suprema na ipagpaliban muna ang oral arguments sa pinagtatalunang Anti-Terrorism Act of 2020 matapos aminin ni Solicitor General Jose Calida na ilang empleyado nila ang nagpositibo sa COVID kaya naapektuhan ang kanilang paghahanda para dito.

Kabilang umano sa nahawahan ng virus ay isang assistant solicitor general at mga staff na kasali sa gagawing oral arguments.

Loading…