AFP ‘di na itutuloy ang imbestigasyon sa kontrobersiyal na PSG vaccination

Imahe mula sa ABS-CBN News
  • Hindi na itinuloy ng AFP ang nakatakdang imbestigasyon sa pagpapabakuna ng PSG
  • Ito ay matapos maglabas ng pahayag si Pangulong Duterte na tumututol dito
  • Ani Duterte, uutusan niyang huwag magsalita ang PSG kapag ipinatawag sa Kongreso

Hindi na itutuloy ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang imbestigasyon nito sa kontrobersiyal na COVID-19 vaccination ng Presidential Security Group na nakatakda sana nitong Martes, ika-5 ng Enero.

Ito ay matapos ang naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na uutusan niya umano ang PSG na huwag magsalita at i-invoke ang right against self-incrimination kung sakaling ipatawag man.

Imahe mula sa PCOO

“This comes in light of the recent pronouncement of the Commander-in-Chief and Pres Rodrigo Duterte,” ani AFP spokesman Maj. Gen. Edgard Arevalo.

Ayon kay Arevalo, si AFP Chief of Staff Gen. Gilbert Gapay mismo ang nag-utos na huwag nang ituloy ang fact-finding investigation.

Dati nang sinabi ni Arevalo na wala na ring silbi kung itutuloy pa nila ang imbestigasyon dahil nagsalita na ang presidente na hindi niya papayagang maglahad ng impormasyon ang PSG.

“What we can say is kung nagsalita na ang Pangulo na hindi niya papayagan na ma-summon ang mga miyembro ng PSG and for them to invoke the Constitutional right to remain silent, it may be an exercise in futility kung ‘di rin sila papayagan na mag-appear sa ating summons at hindi rin sila sasagot sa mga itatanong,” wika ni Arevalo sa panayam ng Teleradyo.

Imahe mula sa PSG-Facebook

Nitong Lunes sa kaniyang online public address, sinabi ni Duterte na naniniwala siyang ginawa ng PSG ang pagpapabakuna para sa kapakanan ng kanilang buhay. Bilang isang abogado umano, lalo pa’t may banta na ng prosecution, papayuhan niya ang PSG na ‘wag nang magsalita.

Hindi rin niya umano papayagan na dumalo sa Kongreso ang PSG kapag ipinatawag.

“If they ask you questions, sabihin ko talaga sa kanila, do not answer. And maybe even I will not allow them to appear in Congress. Makakanood tayo dito ng, not really a crisis, but there will be a nasty thing that will transpire,” banta ng presidente.

Naging kontrobersiyal ang pagpapabakuna ng PSG matapos aminin ng kanilang hepe na si Brig. Gen. Jesus Durante III na tumanggap sila ng libreng COVID-19 vaccine mula sa donor na tumanggi siyang pangalanan.

Loading…