Angel Locsin ipinagtanggol si Vice Ganda dahil sa pasaring ni Roque?

Imahe mula sa Coconuts/Daily Tribune
  • Tila si Vice Ganda ang ipinagtatanggol ni Angel sa kaniyang Instagram story
  • Bagama’t ‘di nagbanggit ng pangalan, tinawag niya itong ‘baklang komedyante’ na may malasakit sa tao
  • Waring sagot ito ni Angel sa mistulang pagmamaliit ni Roque sa mga komedyante

Bagama’t hindi tuwirang nagbanggit ng pangalan, nahulaan naman agad ng marami kung sino ang ipinagtatanggol ni Angel Locsin sa kaniyang pinakahuling Instagram story.

Kilalang malapit na magkaibigan sina Angel at Vice kaya hindi na ito nakapagtataka lalo pa’t pareho rin silang kritiko ng kasalukuyang administrasyon lalo pa nang sumiklab ang usapin sa prangkisa ng ABS-CBN noong nakaraang taon.

Imahe mula sa Facebook

Sa kaniyang Instagram story, may binanggit na ‘komedyante’ si Angel na ayon sa kaniya ay may malasakit sa tao.

“Ayos yung baklang, komedyante no? Pinaglalaban ang tama at may malasakit sa tao,” nakalagay sa story ni Angel na may kasama pang unicorn sticker.

Marami ang nakahula na ang binabanggit ni Angel na ang ‘baklang komedyante’ ay walang iba kung hindi ang kaniyang kaibigang si Vice.

Magugunitang tinabla ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang pahayag dati ni Vice tungkol sa pagiging ‘choosy’ ng mga Pilipino sa bakunang gagamitin sa kanila.

Screenshot mula sa Twitter

Ani Vice sa kaniyang Twitter noong isang linggo, “Sa sabong panlaba nga choosy tayo eh sa bakuna pa kaya. Ano ‘to basta may maisaksak lang?! Vaklang twoooaahhh!!!”

Hindi ito pinalampas ni Roque dahil sa isang online briefing ay sinabi nitong hindi maaaring ikumpara ang bakuna sa sabong panlaba dahil kakaunti lang talaga ngayon ang COVID vaccine na pagpipilian.

BASAHIN: Roque sinagot ang pasaring ni Vice Ganda tungkol sa pagiging ‘choosy’ sa bakuna

Mistulang minaliit din ng tagapagsalita ng Palasyo nang sabihin nitong, “Eh kung hindi naman natin pagtitiwalaan ang mga expert… sino ang ating pagkakatiwalaan? Siguro po hindi mga komedyante.”

Imahe mula sa Hataw

Sinagot na rin ito ng ‘Its’ Showtime’ host sa nasabing programa nang sabihin nitong hindi siya ‘clown’ kung hindi isang comedian.

“Pero ako, hindi ako clown. I’m a comedian. At may kilala akong clown. I am a comedian. You are the clown,” wika ni Vice na alam na ng marami kung sino ang tinutukoy.

Ang palitang ito sa pagitan nina Vice Ganda at Roque ay nagsimula nang sabihin ng huli na hindi dapat maging pihikan ang mga Pinoy sa pagpili ng bakuna lalo pa’t libre naman daw ito.

Loading…