“Aral sa pag-inom ng kape” nagdulot ng realisasyon sa mga netizens

  • Ibinahagi ng isang netizen ang kaniyang realisasyon kung bakit masarap magkape
  • Nagsisilbi raw itong ‘pahinga’ at nagdudulot ng pagpapatuloy sa pangangarap
  • Marami naman sa mga netizens ang nagpatotoo nito

Marami sa mga Pilipino ang “certified coffee lover.” Hindi kumpleto ang araw kapag hindi nakakainom ng kape. Biro nga ng iba, parang ginagawa nilang tubig. Nagsisilbing “tagasalba” kapag hinehele na ng antok o pagod kapag nag-aaral o naghahanda para sa paparating na pagsusulit, o kaya naman subsob sa tambak na trabaho o paperworks.

Kaya naman, kinaaliwan at nagdulot ng realisasyon sa mga netizens ang kumakalat na anekdota at aral na maaaring makuha sa pag-inom ng kape. Hindi lang pala ito maaaring gamitin sa “hugutan” tulad ng “Pahingi-ng-matapang-na-kape-yung-kaya-akong-ipaglaban.”

May malalim pang realisasyon dito ang isang ‘di-nakilalang netizen.

Public Domain Image

Saad sa anekdota, “Dati nagtataka ako kung bakit gustong-gusto ni Tatay ng kape. Bago umalis patungong trabaho, magkakape. Pag-uwi galing trabaho, magkakape. Pagod, timpla ng kape. Masaya, lasing, galit, normal na araw, kape pa rin. Nang tinikman ko naman ‘yung kape sinikmura lang ako.”|

Subalit ayon sa nagbahaging netizen, naiba ang kaniyang pagtingin sa kape noong nagkatrabaho na siya

“Pero nagbago ang tingin ko sa kape noong nagsimula na akong magpuyat sa mga pangarap para sa aking pamilya at sarili. Hindi pala ‘yung kape ang nakaka-adik. Yung pakiramdam pala.”

“Hindi lang kasi siya basta likido na may matamis at mapait na lasa. Isa siyang pahinga. Bawat higop ng kape, oras mo iyon para sa iyong sarili. Bawat segundo na dumaraan habang hawak ang baso, iyon pala ang espasyo para maisip mo kung ano ang sunod na plano. Sunod na hakbang patungo sa pangarap mong maging ikaw.”

“Habang tumatanda ako, mas nagugustuhan ko ang kape. Ganoon marahil kapag kailangan mo ng saglit na pahinga sa nakapapagod na mundo. Tara, kape tayo.”

Public Domain Image

Narito naman ang ilan sa napagtanto ng mga netizens:

“Totoo! Saka napansin ko rin kapag nagkape ako, tuloy-tuloy na ang work ko… pampaalis-stress ba… sarap!” saad ng isa.

Turan naman ng isa, “Sobrang nakaka-relate ako rito. Totoo naman. Iba ang pakiramdam kapag nagkakape, mas nag-stimulate ang mind ko. Mas gumagana lalo na kapag nasa deep work ako.”

“Kaya pala kapag nagkakape, napapatulala tayo, hehehe. Coffee lover here,” sabi naman ng isa.

Ang kape o coffee sa Ingles,  ay isang inumin na madalas na isinisilbing mainit, ngunit maaari din namang malamig, na nagmula sa mga nilutong buto ng halamang kape o coffee beans. Ang kape ang pangunahing pinagkukunan ng caffeine, isang stimulant, na nagiging dahilan kung bakit nagiging aktibo ang isang tao.

Nakakatulong din umano ang kape bilang “anti-aging.” Subalit maghinay-hinay lamang sa pag-inom ng kape, lalo na ang mga may insomnia, dahil maaaring maging dahilan ito upang mas lalong hindi makatulog sa gabi.

Public Domain Image

Tara, kape tayo!

Loading…