Asong ipinagamot dahil paika-ikang lumakad, nalamang ginagaya lang pala ang among may ankle sprain

Screenshot mula sa video ni Russell Jones
  • Alagang asong paika-ika kung lumakad ipinasuri sa beterinaryo
  • Walang nakitang anumang diperensya sa paa ng aso ang beterinaryo
  • Ginagaya lang pala nito ang amo na paika-ika rin kung lumakad dahil sa sprained ankle

Napatunayan ng isang lurcher dog sa United Kingdom (UK) na dog is man’s bestfriend talaga nang nakisimpatiya ito sa amo niyang may foot injury.

Imahe mula sa Billy Limping Lurcher Instagram page

Ibinahagi ni Russell Jones noong January 16, 2021 sa Lurcher Link Rescue chat, isang public group sa Facebook, ang video niya kasama ang alagang asong si Billy. Nakabenda ang kanang paa ni Russell at gumagamit siya ng saklay habang lumalakad.

Makikita naman si Billy na nakataas ang isang paa at paika-ika rin kung lumakad.

Sa panayam sa kanya ng isang morning show sa UK, sinabi ni Russell na noong June ng nakaraang taon pa ang video at kailan lang niya ito ibinahagi sa social media. Kuwento niya, gumagamit siya ng saklay dahil sa sprained ankle nang mahulog siya.

Aniya, kapag naglalakad siya sa labas kasama ang alagang si Billy ay napapansin niyang paika-ika ito kung lumakad kaya dinala niya ito sa beterinaryo para masuri. Gumastos daw siya ng £300 o katumbas ng halos P20,000 para sa vet fees, x-ray at gamot sa kirot para sa paa ni Billy.

Screenshot mula sa video ni Russell Jones

Sinabi ng beterinaryo na wala siyang makitang anumang diprensya sa paa ng aso at inamin kay Russel na wala na siyang magagawa para kay Billy.

May nabuong hinala ang asawa ni Russell na si Michelle nang isang araw ay nakita niyang normal na tumatakbo sa hardin si Billy habang wala si Russell.

Screenshot mula sa videong ibinahagi ng This Morning TV program

Sinubukan ni Russell na igala si Billy upang mapatunayan ang hinala ni Michelle na wala itong iniinda sa paa. Sa halip na maglakad ay sumakay siya sa motorsiklo habang ang aso ay naglakad. Normal ang lakad ni Billy.

Doon niya nalaman na paika-ika lang lumakad ang alaga kapag paika-ika rin siyang lumalakad.

Aniya, “Cost me £300 in vet fees and X-rays, nothing wrong just sympathy. Love him.”

I-click ang larawan para mapanood ang video:

Loading…