Bakit tila lumulutang sa kaligayahan ang mga pusang nakaaamoy ng catnip?

Imahe mula sa Cat Lovers (Philippines)
  • Nagpapakita ng pagiging masaya at pagkakuntento ang mga pusang nakaaamoy ng catnip
  • Ang sanhi ng ganitong epekto ng catnip sa mga pusa ay ang taglay nitong Nepetalactone na karaniwang nasa dahon, tangkay at buto ng naturang halaman
  • Tinatayang hanggang 80% lang ng mga pusa ang naaapektuhan ng catnip
  • Ang mga kuting ay hindi naaapektuhan ng catnip hangga’t wala pa silang six months old

Bakit kaya gustung-gusto ng mga pusa – malaki man o maliit, pusang Pinoy man o leon at tigre – ang amoy ng catnip; isang uri ng herb na kapamilya ng mint?

Imahe mula sa PetMD

Sa tuwing nakaaamoy o nakakakain nito ang mga pusa ay tila lumulutang ang mga ito sa ulap ng kaligayahan. Naroong nagpapagulong-gulong na parang lango, tumatalon, ‘di-pangkaraniwang pagngiyaw, naglalaway o kaya’y ikinikiskis ang katawan at ulo sa catnip.

Ang mga ugaling makikita sa mga pusang nakaamoy ng catnip ay kahalintulad ng makikita sa mga babaeng pusa na ‘nag-iinit’, pero maging ang mga lalaking pusa ay kinakikitaan ng ganito.

Ang sanhi ng ganitong epekto ng catnip sa mga pusa ay ang taglay umano nitong Nepetalactone na karaniwang nasa dahon, tangkay at buto ng naturang halaman.

Isa hanggang dalawang amoy lang nito ay magiging masaya na ang mga pusa. Matindi talaga ang epekto nito sa kanila, pero hindi naman gaanong nagtatagal. Kadalasan ay umaabot lang ito ng hanggang sampung minuto.

Imahe mula kay Masao Miyazaki at Reiko Uenoyama

Kapag lumipas na ang epekto ng catnip, aabutin ng hanggang dalawang oras bago sila muling maapektuhan ng amoy niyon.

At dahil paulit-ulit ang epekto nito sa mga pusa, magandang gamitin ang catnip bilang training aid.

Problema n’yo ba ang sofa na laging kinakalmot ng alagang pusa? Lagyan lang ng catnip ang scratching post o kaya ang higaan nito upang doon na sila madalas mamalagi. Tiyak na makakalimutan na nito ang sofa.

Imahe mula sa Hills Pet

Puwede ring gumawa ng catnip toys. Magbudbod lang ng catnip sa lumang medyas at gawing parang bola o kaya ay sa lumang paper bag at lamukusin iyon.

Ayon sa mga eksperto, hindi lahat ng pusa ay naaapektuhan ng catnip. Tinatayang hanggang 80% lang ng mga ito ang naaapektuhan. May kinalaman daw ito sa kanilang genes.

Imahe mula sa Cat Lovers (Philippines)

Ang mga kuting ay hindi naaapektuhan ng catnip hangga’t wala pa silang six months old.

 

Source :

Phys, PetMD

Loading…