Bata nagsilbing biyaya sa dalawang sanggol, isang matanda

  • Mistulang bayani ang isang 16 na buwang gulang na Pilipinong sanggol sa California, USA
  • Naging organ donor kasi siya para sa dalawang sanggol at isang matandang nangangailangan nito
  • Nasangkot kasi ang bata sa isang aksidente kasama ang pamilya na naglagay dito sa malubhang kalagayan

“Lahat ng mga pangyayari sa mundong ito ay may malalim na dahilan.”

Itinuturing na “hero baby” ang isang 16 na buwang gulang na sanggol na Pilipino na si Leopauld Sanchez o Baby Leqsus matapos maging organ donor sa dalawang sanggol at isang matanda sa California, USA.

Public Domain Image

Noong Nobyembre 15, 2020, naaksidente ang sinasakyang kotse ng mga magulang, kapatid, at ng mismong sanggol. Si Baby Leqsus ang labis na nagkaroon ng mga matinding pinsala sa katawan. Halos dalawang buwang nakipaglaban ang sanggol upang patuloy na madugtungan ang kanyang buhay, bago ideklara ng mga espesyalista na siya ay “brain dead” na.

Nagkataon namang nalaman ng kaniyang pamilya na may dalawang sanggol at isang matanda ang nangangailangan ng organ donor. Napagpasyahan ng mga magulang ni Leqsus na ipagkaloob na lamang sa mga nangangailangan ang ilang piling organs nito.

Ayon sa mga magulang ni Leqsus, ilang beses daw silang humingi ng milagro mula sa Diyos para sa agarang paggaling ng kanilang anak. Subalit napagtanto daw nila na ang milagro pala ay ang mismong anak nila, na magiging kasangkapan upang matulungan ang buhay ng iba pang nangangailangan. Pakiramdam daw nila ay nasa tatlong katauhan ang kanilang anak.

Bago tuluyang mamaalam, binigyang-pugay si Leqsus ng mga nurses at doktor sa ospital sa pamamagitan ng isang honor walk.

Public Domain Image

Umaasam ang pamilya ni Leqsus na balang-araw, sana ay makilala at makaharap nila ang mga taong natulungan ni Leqsus. Dalangin din nilang sana ay maging inspirasyon ang bata para maipaalam sa publiko ang malaking tulong ng organ donation para madugtungan ang buhay ng mga nangangailangan nito.

Loading…