
- Hinamon ni Sen. Bong Go si Robredo na sabay-sabay silang magpabakuna
- Maaari din umano silang sumabay kay Pangulong Duterte upang maibsan ang takot ng publiko
- Maging sina Duque at Galvez ay sinabihan na rin daw ni Go
Hinamon ni Senador Bong Go si Vice President Leni Robredo na sabay-sabay silang magpabakuna kontra COVID nina Pangulong Rodrigo Duterte upang lumakas ang tiwala ng publiko sa vaccination program ng gobyerno.
Ito ay matapos sabihin ni Robredo noong isang araw na dapat ay maunang magpabakuna si Duterte at ipakita ito sa publiko bilang tanda na may kumpiyansiya sa COVID vaccine na binili ng pamahalaan.

“Pagkatapos ni Pangulong Duterte or sabay, ikaw naman VP Leni Robredo ang magpaturok din, ipakita mo rin… sabay-sabay tayo,” hamon ng senador sa Pangalawang Pangulo.
Nauna nang sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi mag-aatubili ang presidente na magpabakuna kung ito ang makapapawi sa takot ng madla. Ganunpaman, iginiit ni Roque na posibleng hindi ito gawin ng Pangulo sa publiko tulad ni Queen Elizabeth ng England.
Samantala, bukod sa kanila ni Pangulong Duterte, inimbitahan niya na rin umano sina Health Secretary Francisco Duque III at IATF chief Secretary Carlito Galvez Jr. na sabay-sabay silang magpaturok kapag dumating na sa bansa ang biniling bakuna, ayon kay Go.

“Ako po ay hinahamon ko kayo para makuha natin ang kumpiyansa ng bawat Pilipino, ipakita natin na sabay-sabay tayong magpaturok,” dagdag pa ng senador.
Dati na ring sinabi na vaccine czar Sec. Carlito Galvez na malaking bagay para sa vaccination program ng gobyerno kung makikita na tinuturukan ng bakuna si Pangulong Duterte sa publiko lalo pa’t mayroon itong 91% popularity base sa pinakahuling survey.
Sang-ayon din dito si Robredo dahil malaking bagay umano ang popularidad ng Pangulo para maibsan ang anumang pangamba ng mga Pilipino sa bakuna lalo na yaong manggagaling sa China.