Briefing ng Palasyo tungkol sa telco service nagkaaberya dahil sa mabagal na internet

Screenshot mula sa PTV 4 video
  • Nagkaproblema sa briefing ng Palasyo dahil sa mabagal na internet connection
  • Nakatakda pa naman sanang pag-usapan ang serbisyo ng telco sa bansa
  • Inamin ni Roque na kahit ang Malakanyang ay ramdam ang problema sa mga telcos

Maging ang Palasyo ng Malakanyang, kung saan naninirahan ang pinakamataas na lider ng bansa, ay hindi nakaligtas sa mabagal na internet connection na nararanasan ng mga ordinaryong mamamayan.

Nitong Huwebes habang ginaganap ang press briefing ni Presidential Spokesperson Harry Roque, sandalling nagkaaberya ang kaniyang pakikipag-usap matapos ma-disconnect ang ilang reporter na magtatanong sana pati na ang resource person na si Department of Information and Communications Technology (DICT) Undersecretary Manny Caintic.

Screenshot mula sa PTV 4 video

Nangyari ang glitch ilang minuto lang matapos ipagmalaki ni Roque na tumaas ng 25.4% ang fixed internet speed sa bansa habang ang download speed naman ay nag-improve umano ng 32.7% para sa buwan ng Hulyo hanggang Disyembre 2020

Susunod pa naman sanang pag-uusapan nina Roque at Caintic ang kasalukuyang serbisyo na ibinibigay ng mga telcos sa bansa.

“May internet interruption lang,” ani Roque nang biglang mawala ang reporter na magtatanong sana. “Nako nawala na rin sila pareho. Usec Caintic, ba’t ganito? Wala rin si Usec Caintic.”

Tumagal din halos ng dalawang minuto ang interruption bago tuluyang na-restore ang internet connection.

“Kailan ba ho matitigil itong ating hinagpis na napuputulan tayo ng internet?  Naku! Anyway, sa aking report po kay Presidente sa Lunes, sasabihin ko po ang nangyari on the day we rendered a report on the telcos na nawalan po kami ng connection sa lahat,” ayon pa sa tagapagsalita ng Palasyo.

Imahe mula sa Spot.ph

Nang makabalik muli sa linya si Caintic ay hindi na pinalampas ni Roque ang pagkakataon para tanungin ang DICT official kung ano ang maaaring gawin sa internet connectivity issue.

“More towers, more fiber cables, and better customer service,” sagot naman ni Caintic.

Sa pagtatapos ng briefing ay inamin din ni Roque na ang mabagal na serbisyo ng telcos ay ramdam maging sa Malakanyang.

Aniya, “Ang problema po talaga ng telecomms, ramdam ng lahat pati po dito sa seat of power na Malacañang Palace.”

Loading…