BSP iimbestigahan ang milyones na pera ng depositors na tinangay ng nawawalang empleyado ng EastWest bank

Imahe mula sa Today Online
  • Naglunsad na ng imbestigasyon ang BSP sa nawawalang pera ng depositors ng EastWest bank
  • Naglabas rin ng pahayag ang EastWest bank tungkol sa insidente
  • Ang lahat ng ito ay matapos ang pagsisiwalat ni Rep. Taduran base sa reklamo ng negosyanteng natangayan ng P270-M

Naglunsad na ng pormal na imbestigasyon ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) upang silipin ang napaulat na nawawalang milyon-milyong pera ng depositors ng EastWest bank na pinaniniwalaang tinangay ng isang empleyado mismo ng bangko.

Nauna nang isiniwalat ni ACT-CIS Partylist Representative Rowena Niña Taduran sa panayam ng DZRH ang reklamo ng isang depositor na nawalan ng P270-M sa bangko. Pinaghihinalaang sangkot ang bank manager mismo dito na ngayon ay napaulat na ‘di na nagre-report sa trabaho at pinaniniwalaang nasa ibang bansa na.

Imahe miula sa PNA

“[We] looking into reported unauthorized transactions relayed by some of the country’s lawmakers and reported by the media,” ayon sa pahayag ng BSP nitong Huwebes.

Bagama’t hindi na nagbigay pa ng karagdagang detalye ang BSP, naglabas na rin ng pahayag ang pamunuan ng EastWest bank tungkol sa insidente at ang isinasagawa nilang ‘internal investigation’.

Inamin din ng EastWest bank na dalawang depositor ang nawalan ng pera at sila umano ay matagal nang kliyente ng bangko.

Imahe mula sa EastWest bank

Tiniyak rin ng bangko na hind gaanong ‘significant’ ang nawala sa kanilang accounts at ibabalik nila ang nawalang pera ng dalawang depositor.

“We have been in touch with the two affected depositors. They have been informed that an internal investigation is ongoing and that we will credit back to their account the amount taken,” pahayag ng EastWest bank.

‘Isolated case’ lang daw ang nangyari at siniguro ng bangko na ligtas pa rin sa kanilang pangangalaga ang pera ng kanilang mga kliyente.

ACT-CIS Partylist Rep. Rowena Niña Taduran | Imahe mula sa Facebook

Sa ginawang pagbubulgar ni Rep. Taduran, nagreklamo umano sa kaniya ang isang negosyante matapos biglang mawala ang P270-M sa kaniyang EastWest bank account noong Nobyembre. Naglaho na rin daw ang branch manager ng nasabing sangay kasama ang kaniyang pamilya.

BASAHIN: Kamara sisilipin ang reklamo ng depositors na nawalan ng milyon-milyong pera sa bangko

Nagtataka rin ang kongresista kung bakit hindi nagpadala ng ulat ang bangko sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) samantalang ang mga withdrawals na ginawa ay mahigit sa P10-M na itinuturing dapat na ‘suspicious transaction’.

Dahil dito, maglulunsad rin ng imbestigasyon sa Kamara si Taduran upang alamin kung ano ang totoong nangyari.

Loading…