Budots Man, ang bagong action hero na gagampanan ni Bong Revilla

Imahe mula sa Facebook account ni Ramon Bong Revilla
  • Budots Man ang titulo ng pelikulang balak gawin ni Sen. Bong Revilla na hindi muna itinuloy dahil sa pandemya
  • Si Arci Muñoz at Baron Geisler ang mga makakasama niya sa Budots Man
  • Sa Marso ngayong taon ay mapapanood sa TV ang “Agimat ng Agila” kung saan bibida si Bong Revilla

Ikinuwento ni Senator Bong Revilla ang isang action film na nakatakda sana niyang gawin ngunit pansamantala itong nabinbin dahil sa pandemya.

Imahe mula sa Facebook account ni Ramon Bong Revilla

“Budots Man” daw ang pangalan ng bagong action hero na isasabuhay niya sa pelikula kung saan makakasama niya si Arci Muñoz bilang leading lady at si Baron Geisler naman ang kontrabida.

Ayon kay Bong Revilla, nakahanda na ang lahat para sa pagsisimula ng paggawa ng pelikula pero natigil nga dahil sa pandemya.

“Actually, we’re about to shoot an action film, ‘Budots Man’. Ready na ang lahat, costumes, set, si Arci Munoz sana ang leading lady ko at si Baron Geisler ang kontrabida. Kaso, biglang nagka-pandemic, so hindi na namin itinuloy,” aniya.

Isa pa sa mga dahilan para i-postpone ang pelikula ay ang mga bata sa cast na hindi maaaring lumabas dahil sa mga restriksyong ipinatutupad ng pamahalaan kaugnay ng COVID-19 pandemic.

“Unang-una, may mga bata sa cast namin, e bawal magtrabaho ngayon ang mga bata,” paliwanag ng actor-politician.

Imahe mula sa Facebook account ni Ramon Bong Revilla

Aminado siya na sa ngayon ay nahihirapan ang movie industry dahil sa epekto ng health crisis. Katunayan daw nito ang mahinang resulta ng nagdaang Metro Manila Film Festival.

“At hirap talaga ang movie industry kasi sarado ang mga sinehan. Look at what happened to the entries sa Metro-Manila filmfest shown via streaming, sobrang hina raw. Hindi pa ready ang Pinoy to just watch movies online,” aniya.

Hindi man natuloy ang paggawa ng “Budots Man,” mapapanood naman ang aktor sa bagong teleserye na ipalalabas sa GMA 7 simula sa buwan ng Marso. Ito ang “Agimat ng Agila” kung saan gaganap siya bilang isang forest ranger. Makakatambal niya rito si Sanya Lopez.

Imahe mula sa Facebook account ni Ramon Bong Revilla

Loading…