Cash bouquet paandar ng gift shop sa Koronadal City para sa Valentine’s Day

  • May kakaibang paandar o pakulo ang isang gift shop sa Koronodal City para sa Valentine’s Day
  • Sa halip na flower bouquet, cash o money bouquet ang kanilang tampok
  • Bukod sa pera, maaari ding ipagawa ang iba pang klase ng bouquet gaya ng Yakult, mga junk food, chocolate, at iba pa

Paparating na naman ang buwan ng Pebrero, at kapag napag-uusapan ito, tiyak na hindi mapapalagpas ang pagdiriwang ng Valentine’s Day. Kaniya-kaniya na namang pakulo ang mga magkasintahan, lalo na ang mga nobyo o mister, kung paano susurpresahin ang kani-kanilang mga “the one.”

Iba ang gimik ng isang gift shop sa Koronadal City dahil sa halip na pulumpon o bouquet ng bulaklak ang mabibili sa kanila, maaaring magpagawa ng “cash bouquet” ang sinoman bilang regalo sa paparating na Valentine’s day, o kahit sa iba pang mga okasyon.

Imahe mula sa Facebook page na FlowerRanger PH

Bukod sa cash, maaari ding magpagawa ng “Yakult bouquet,” “Food bouquet,” Chicken bouquet,” at iba pa, kung talagang nagtitipid at swak lamang sa budget ang pagdiriwang ng Araw ng Pag-ibig. Ang pangalan ng naturang gift shop ay “FlowerRanger PH.”

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens. May mga natuwa,  naaliw, at may tumingin dito bilang romantikong akto.

“Nice idea. Ayos ‘yan pero dapat mapagmahal din ang lalaki: maalaga, responsable, hindi babaero, walang bisyo at may quality sa minamahal. Hindi puro pera,” sabi ng isa.

Pabirong turan naman ng isa, “Kung sino mang suitor ko ang magbibigay sa akin niyan, jowa na agad-agad! Hahaha.”

Imahe mula sa Facebook page na FlowerRanger PH

Sa kabilang banda, may ilan din namang nabigyan ito ng ibang interpretasyon.

“Parang pinalabas ninyo na ang babae ay mukhang pera ah. Huwag ninyong sanayin ang mga girlfriends ninyo na tumingin sa pera at maging materialistic, baka magsisi kayong boys kapag naging asawa na ninyo, malaki ang magiging expectation sa inyo,” saad ng isa.

Pahayag naman ng isa, “Puwede namang walang ganyan basta alam ninyo sa sarili ninyo na mahal ninyo ang isa’t isa, higit sa lahat nagkakasundo kayo sa lahat ng bagay at oras, may pa-flowers nga at chocolate ka pa kung bandang huli, isusumbat mo, lalo na kapag nagkahiwalayan. Nasaan ang tunay na pagmamahal doon?”

Imahe mula sa Facebook page na FlowerRanger PH

Tunay na hindi mapapantayan ang pagiging malikhain ng mga Pinoy, wika nga, maging wais sa panahon ng pandemya.

Loading…