“Complete the sentence:” Babalang bitin kinaaliwan

  • Nagdulot ng kaaliwan sa halip na kalinawan ang isang paskil na nagpapakita ng babala
  • Hindi kasi malinaw at buo ang pangungusap na “Mag-ingat sa…”
  • Marami sa mga netizens ang naghula na lamang kung ano ito

Maraming mga babala o warning na nakapaskil sa mga kalsada at iba pang mga lugar upang maabisuhan ang publiko sa kaayusan, lalo na kung ang paglabag dito ay maaaring magbunsod sa tiyak na kapahamakan. Kaya naman, kailangang maging klaro, maayos, at malinaw ang pagkakasulat nito upang hindi magdulot ng pagkalito.

Kaya naman, kinaaliwan ng mga netizens ang Facebook post ng netizen na nagngangalang “Lai Robert,” matapos niyang ibahagi ang isang larawang kakikitaan ng isang babala, na nakapaskil sa tarangkahan ng isang establishment.

Imahe mula sa Facebook account ni Lai Robert

“Gusto ko lang naman maglakad-lakad tapos mas mai-stress pa pala ako. Mag-ingat po saan?? Ano ‘to complete the sentence tayo teh??” saad ng kaniyang caption.

Makikita nga naman kasi na hindi buo at bitin ang babala. “Mag-ingat sa…” at pagkatapos ay putol na.

Nagdulot naman ito ng good vibes sa mga netizens at kaniya-kaniya silang hinuha kung ano ang karugtong nito.

“Baka ang ibig sabihin ay mag-ingat sa aso? O baka mag-ingat sa gate hahaha,” sabi ng isa.

Saad naman ng isa, “Siguro teacher ang gumawa ng babala na iyan. Fill in the blanks daw kasi. O kaya naman, hanging statement, bahala ka na mag-ingat!”

“Open-ended daw ang babala. Puwedeng mag-ingat sa aso, mag-ingat sa magnanakaw, mag-ingat sa paglakad dahil madulas o basa ang sahig, o kaya mag-ingat sa mga manloloko lalo na ang mga pa-fall. Hahahaha,” pabirong banat naman ng isa.

Turan naman ng isa, “Sumasakit naman ang ulo ko sa paskil na iyan. Hindi na lang po ako dadaan para hindi ko na alamin kung saan ako mag-iingat.”

Imahe mula sa Facebook page ni Lai Robert / Public Domain Image

Tandaan, sa pagbuo o pagsulat ng paskil gaya ng mga babala, patalastas, o paalala,  titiyaking malinaw, maayos at buo ang pangungusap upang hindi ito magdulot ng pagkalito sa publiko.

Loading…