
- Isasailalim sa mas mahigpit na GCQ ang CAR simula February 1 hanggang February 15 dahil sa dumaraming
kaso ng UK variant ng COVID-19 - Magpapatupad din ng mahigpit na border control sa pagitan ng Benguet at Mountain Province
- Batay sa datos ng DOH-Cordillera, ang CAR ay nakapagtala ng 199% growth rate ng COVID-19 sa loob ng dalawang linggong nagdaan
Mula sa modified general community quarantine (MGCQ) ay ibabalik sa ilalim ng mas mahigit na GCQ ang Cordillera Administrative Region (CAR) dahil sa pagdami roon ng bilang ng mga kaso ng mas nakahahawang UK variant ng COVID-19.

Kinumpirma ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong, ang contact tracing czar ng bansa, na simula sa ika-1 ng Pebrero hanggang ika-15 ng Pebrero ang GCQ sa rehiyon. Magpapatupad din umano ng mahigpit na border control sa pagitan ng Benguet at Mountain Province.
Nangangahulugan ito na ang mga biyahero na nais pumasok sa mga nabanggit na lalawigan ay kailangang magprisinta sa mga awtoridad ng medical clearance, ayon sa akalde.
Aniya, ang mga essential travel lang ang papayagan.
Sa Mountain Province ay may kumpirmado nang 56 cases ng UK variant ng novel coronavirus at ang 37 sa mga kasong ito ay nasa Bontoc. Ang ibang mga kaso ay nasa Sabangan (9), Sagada (4), Sadanga (2), Tadian (2), Bauko (1) and Paracelis (1).
Sa tala ng Department of Health, ang CAR ay may 10,491 confirmed cases ng COVID-19 infection kaya itinuturing itong isang “high risk” area dahil tumataas na growth rate ng COVID-19 sa rehiyon.

Batay sa datos ng DOH-Cordillera, ang CAR ay nakapagtala ng 199% growth rate ng COVID-19 sa loob ng dalawang linggong nagdaan.
Ayon kay Karen Lonogan, senior health officer at hepe ng DOH-CAR epidemiology and surveillance unit, hindi pa nila natutukoy kung paanong nakarating sa rehiyon ang UK variant.
