Customs kumita ng mahigit isang bilyong piso matapos isubasta ang mga overstaying containers

Imahe mula sa BOC
  • Kumita ng P1,076,588,805.44 ang BOC sa pagdidispatsa ng mga overstaying containers
  • Ang disposal ng overstaying containers ay nakatutulong sa mas maayos na operasyon ng ahensya at sa decongestion ng mga pantalan at container yards
  • Ang mga cargoes na nag-overstay nang mahigit 30 days mula sa date of discharge at hindi nailabas sa itinakdang panahon ay itinuturing nang abandonado

Nakakolekta ang Bureau of Customs (BOC) ng mahigit isang bilyong piso sa ginawang pagdidispatsa ng mga overstaying containers sa pamamagitan ng public auction.

Imahe mula sa BOC

Sa inilabas na statement, sinabi ng BOC na ang Assessment and Operations Coordinating Group, Auction and Cargo Disposal (ACD) Division at ACD units ng lahat ng mga collection districts ay nakapag-dispose ng kabuuang 3,514 overstaying containers mula Enero hanggang Disyembre ng 2020.

“The disposition of overstaying containers resulted to revenue generation of P1,076,588,805.44 from public auction of 1,898 containers of assorted items such as television, tiles, plywood, among others, and condemnation of 1,346 containers and donation of the remaining 270 container,” pahayag nito.

Ayon pa sa BOC, nakatutulong sa mas maayos nilang operasyon at sa decongestion ng mga pantalan at container yards ang pagdidispatsa sa mga containers na abandonado o kaya naman ay sinamsam ng ahensya.

Sa ilalim ng Customs Memorandum Order 10-2020, ang mga kargamento na nag-overstay nang mahigit 30 days mula sa date of discharge at hindi nailabas sa itinakdang panahon ay itinuturing na abandonado. Kapag pinal na ang Decree of Abandonment ay gagawa na ng hakbang ang ahensya para sa disposal ng mga iyon.

Imahe mula sa BOC

Batay naman sa Section 1141 ng Customs Modernization and Tariff Act, ang mga bagay na ididispatsa ay maaaring i-donate, opisyal na gamitin ng BOC o kaya ay ibenta sa pamamagitan ng public auction. Ang mga bagay na maaaring gamitin bilang shelter, o kaya ay mga pagkain, damit at medisina, ay maaaring i-donate sa Department of Social Welfare and Development.

Loading…