Dalaga iniligtas ang alagang aso sa paparating na tren

Screenshot mula sa KMJS video
  • Iniligtas ng dalagang si Rachelle ang alagang asong si Buddy mula sa paparating na tren
  • Nakaligtas ang aso, pero nahagip ng tren ang dalaga
  • Himalang nakaligtas si Rachelle na kasalukuyang nagpapalakas sa pagamutan, pero kailangan niya ng tulong para sa magagastos sa paglalagay ng bakal sa kanyang balakang

Nakatira ang pamilya ng dalagang si Rachelle sa Barangay 593 sa Sta. Mesa, Manila ilang metro lang ang layo mula sa riles. Ingat na ingat ang mga residente sa lugar hindi lang para sa mga sarili kundi para na rin sa mga alaga nilang hayop, lalo na ang mga aso, na nagiging aligaga sa tuwing may dumaraang tren.

Screenshot mula sa KMJS video

Dalawa ang asong alaga ng dalaga at paborito niya ang isa sa mga ito na si Buddy. Pinaliliguan, katabi sa pagtulog, ipinagluluto ng pagkain at ibinibili pa ng customized na damit online.

Parang kapatid na raw ang turing ni Rachelle kay Buddy, ayon sa ina ng dalaga na si Elsie.

Nanlumo ang mga kaanak ni Rachelle nang tinangka niyang iligtas si Buddy sa dumaraang tren, pero siya ang nahagip nito.

Sa video na ibinahagi ng Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS), nakita sa kuha ng CCTV ng barangay na lumabas ng bahay si Buddy habang paparating ang tren. Kitang sumunod si Rachelle sa kanyang alaga na pumasok sa mga kabahayan patungo sa riles. Ilang saglit pa ay nagkagulo na ang mga tao.

May nahagip ang tren. Hindi ang asong si Buddy kundi ang amo niyang si Rachelle. Kita sa CCTV na ligtas na nakabalik sa bahay ang aso.

Himala namang nakaligtas si Rachelle, pero nagtamo siya ng pinsala sa katawan matapos makaladkad ng halos dalawang metro. Ayon sa doktor, kailangang lagyan siya ng bakal sa balakang.

Sinabi pa ng manggagamot na makababalik ang dalaga sa lahat ng mga aktibidad na dati niyang ginagawa sa oras na maghilom ang napinsalang bahagi ng katawan. Pero problemado si Elsie dahil malaking halaga ang kailangan para sa operasyon ng anak.

Screenshot mula sa KMJS video

Nagbigay ng tulong ang KMJS team para kay Rachelle, na ngayon ay nagpapalakas sa pagamutan. May ilan pang tumulong at nagbigay ng wheelchair na magagamit ng dalaga habang nagpapagaling. Sinabi rin ng management ng Philippine National Railways na handa silang tumulong.

Sa mga nais pang tumulong, maaaring magdeposito sa:

BDO SAVINGS ACCOUNT

ACCOUNT NAME: JENNY ROSE L. EQUINAN

ACCOUNT NUMBER: 000550276203

Panoorin ang video via GMA’s KMJS:

i-CLICK ANG IMAHE PARA SA VIDEO

Loading…