Dalawang foreigner magdadalawang taon nang ‘nakatira’ sa NAIA Terminal 2

Screenshot mula sa Manila Airport video
  • Dalawang lalaki mula sa Africa ang halos dalawang taon nang stranded sa NAIA terminal 2
  • Na-deny ng Department of Justice ang kanilang asylum application, ngunit ayaw pa rin nilang bumalik sa pinanggalingan
  • Dumating sa bansa ang dalawa noon pang April 2019

Halos magdadalawang taon nang stranded sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 ang dalawang lalaki mula sa Africa. Kasalukuyan silang nasa ilalim ng pangangalaga ng Philippine Airlines (PAL).

Screenshot mula sa Manila Airport video

Kinilala ang dalawang dayuhan bilang sina Johnson Emmanuel Josiah, 42 years old mula sa Liberia, at Alain Njogho Acha, 32 years old, mula naman sa Cameroon. Sa hindi malamang dahilan, tumatanggi ang dalawa na umuwi sa kanilang bansa.

Ayon sa isang PAL staff, sa tuwing susubukan nilang isakay ang dalawa sa eroplano ay gumagawa ang mga ito ng eksena at nagwawala. Delikado raw ang mga ito para sa ibang pasahero.

Unang dumating sa Pilipinas si Acha noong April 4, 2019 bilang isang transit passenger galing sa Bangkok, Thailand, samantalang ang flight ni Josiah na galing sa Guangzhou, China ay lumapag sa NAIA Terminal 2 noong April 21, 2019.

Bago dumating ang dalawa sa NAIA ay nauna na silang sumubok pumasok sa Japan, pero na-deny ang entry nila.

Screenshot mula sa Manila Bulletin video

Nag-apply ng asylum ang dalawa sa Department of Justice, subalit na-deny ang kanilang application.

Ayon sa tagapagsalita ng Bureau of Immigration na si Dona Sandoval, batay sa immigration policy ay ibinigay nila sa PAL, ang airlines na nagdala sa mga dayuhan dito sa Pilipinas, ang kustodiya kina Joshia at Acha.

Noong October 4, 2019, naka-schedule na lumabas ng bansa si Joshia sa pamamagitan ng Kenya Air, ngunit mariin itong tumanggi at nagwala kaya hindi na ito pinilit na sumakay sa naturang flight.

Sa ngayon ay “nakatira” ang dalawa sa NAIA transit lounge at sinasagot ng PAL ang lahat ng pangangailangan nila.

Screenshot mula sa Manila Bulletin video

Loading…