Dating barbero na isa nang licensed physician, hinangaan

Imahe mula sa Istorya ng Pag-asa
  • Noon pa man ay pangarap na ni Jess Dexisne ang maging isang doktor
  • Upang may maipantustos sa pag-aaral ay nagtatrabaho siya bilang isang barbero sa barbershop ng kaniyang lolo
  • Noong Oktubre lamang ay nakapasa na siya sa Physician Licensure Exam at isa nang ganap na doktor

Salat man sa buhay ay hindi kailanman sinukuan ni Jess Dexisne ang pangarap niyang maging isang doktor.

Mula pa noong nasa high school ay pinagsasabay na niya ang pag-aaral at pagsa-sideline bilang isang barbero sa barber shop ng kaniyang lolo. Ang perang kinikita niya rito ang siyang nagsisilbi niyang allowance.

Imahe mula sa Facebook | Jess Dexisne

Kumuha siya ng kursong nursing sa kolehiyo ngunit may pagkakataon na kinailangan niyang huminto dahil sa magkakasunod na bagyong tumama sa Albay na nakaapekto sa kanilang pananim.

“‘Yon ‘yung mga panahon na kaliwa’t kanan ‘yung bagyong dumarating, halos buwan-buwan may bagyo. Nag-stop ako kasi anim kaming magkakapatid, hindi kakayanin ng parents ko so nagtrabaho muna ako,” aniya.

Ipinagpatuloy niya ang kaniyang pagpupursigi at nagbunga naman ito dahil noong Oktubre 2020 ay nakapasa na siya sa Physician Licensure Exam. Tampok din ang kuwento ng kaniyang pangarap at tagumpay sa Istorya ng Pag-asa ni Vice President Leni Robredo.

Imahe mula sa Facebook | Jess Dexisne

“Habang nagpupursige sa pag-aaral  — mula high school hanggang sa pagtahak sa nursing at medicine — namasukan siya bilang isang barbero upang makatulong sa pantustos sa mga pangangailangan,” pagbabahagi ni Robredo.

Paalala ni Dr. Jess, bahagi talaga ng buhay ang mga pagsubok ngunit hindi dahilan ang mga ito upang sumuko.

“Sa buhay po, napakarami talagang pagsubok. Madadapa, matatalo, malulungkot po tayo. Pero kailangan po natin itong pagdaanan para lumakas tayo,” pag-amin ng doktor. “Ang pangaral na matututunan natin sa pagkabigo ay gawin na lang nating panggatong para sa ating mithiin para maabot ang ating pangarap.”

Dagdag niya pa, dapat na gamitin ang mga kakayahan na ipinagkaloob sa bawat isa. “Marami po tayong kakayahan, kapasidad, at abilidad. ‘Wag po natin itong sayangin.”

Source :

Facebook

Loading…