DOH hiningi na ang tulong ng NBI para matunton ang 2 co-passenger ng lalaking may UK COVID variant

Imahe mula sa ABS-CBN News
  • Hiningi na ng DOH ang tulong ng NBI para matunton ang dalawa pang pasahero
  • Sila na lang umano ang hindi pa nakakausap ng DOH sa 159 na pasaherong nakasabay ng lalaking may bagong COVID variant
  • Kulang-kulang raw ang contact details na ibinigay ng naturang mga pasahero

Dumulog na ang Department of Health (DOH) sa tanggapan ng Nationa Bureau of Investigation (NBI) para matunton ang dalawang pasaherong nakasabay ng lalaking nagpositibo sa bagong COVID variant matapos bumiyahe patungong Dubai noong nakaraang buwan.

Sa ginanap na press briefing nitong Biyernes, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na dalawa na lang sa 159 na pasahero ng Emirates Flight EK 332 ang hindi pa nila nakakausap.

Screenshot mula sa ABS-CBN Video

“Just last night, nahanap na po iyong isa pa. So we’re just left with two. Nakita na iyong isang taga Region VII through the help of the Philippine National Police,” ani Vergeire.

Nauna nang sinabi ng DOH na ang dalawang nalalabing pasaherong ito ay nakatira sa National Capital Region (NCR) subalit hindi nila matunton simula nang isagawa ang contact tracing.

“We have coordinated with the Department of Justice and we will be providing these two names to the NBI through the Department of Justice today,” wika ng opisyal.

Nagbigay naman daw ng contact numbers ang dalawang pasahero subalit ang isa rito ay numero sa ibang bansa habang ang isa naman ay maaaring mali ang naisulat.

Imahe mula sa PNA

“As to their addresses, they put in a barangay and city but the [house] number and street name was not provided,” ayon pa kay Vergeire.

Titingnan umano ng contact tracing team kung makikita ang dalawang katao sa ganitong paraan lalo pa’t nahihirapan na silang maghanap.

Nauna nang nagbabala ang DOH na posibleng papanagutin sa batas ang sinuman na hindi makikipag-ugnayan sa pamahalaan pagdating sa usapin ng pampublikong kalusugan sa ilalim ng Republic Act 11332 o ang Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act.

Ang sinumang mapatutunayang lumabag nito ay maaaring patawan ng multang P50,000 at pagkakapiit ng hanggang 6 na buwan o pareho.

Loading…