DOH pinag-iisipang irekomenda ang pagbawi sa pinaluwag na age restriction

Imahe mula sa Inside Retail Asia
  • Nais ng DOH na bawiin muna ang pinaluwag na age restriction sa lugar na may MGCQ
  • Ito ay sa gitna ng mga ulat na kabilang sa nahawahan ng UK variant ay mga menor de edad
  • Nauna nang sinabi ng Palasyo na ang pagluwag sa age restriction ay makatutulong sa kalusugan ng mga bata ta sa ekonomiya ng bansa

Pinag-iisipan ngayon ng Department of Health (DOH) na i-rekomenda sa IATF na ipagpaliban muna ang implementasyon ng pinaluwag na age restriction sa mga lugar na nasa ilalim ng modified geneal community quarantine.

Ito ay matapos matuklasan na ilan sa tinamaan ng UK COVID variant ay mga menor de edad, ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire nitong Sabado.

Screenshot mula sa ABS-CBN Video

“Sa ngayon na lumalabas na itong variant ay nandito, naka-apekto rin sa tatlong kabataan dito sa mga kaso sa ngayon,” wika ni Vergeire sa ginanap na press briefing.

Sa bagong guidelines ng IATF, papayagan nang makalabas ng bahay ang mga batang edad 10 anyos pataas sa mga lugar na nasa ilalim ng MGCQ simula sa Pebrero 1.

Paliwanag dito ng Palasyo, bukod sa makabubuti ito sa kalusugan ng mga bata, makatutulong rin ang naturang hakbang upang pasiglahin ang ekonomiya ng bansa.

Subalit tila nagbago ng isip ang DOH sa gitna ng pangamba sa bagong COVID variant na tumama sa 16 katao kabilang na ang 12 na nagmula sa Bontoc, Mountain Province.

Imahe mula sa NPR

“Ang amin pong iniisip na baka sakali makapag-rekumenda tayo na maaari muna nating hindi ipatupad itong pagpapalabas ng mga bata so that we can prevent more infections,” paliwanag ni Vergeire.

Nauna nang sinabi ng RITM na maaga pa para ideklarang mayroon nang community transmission ng UK variant ng COVID kahit pa umakyat na sa 17 katao ang nagpositibo rito, kabilang na ang isang residente ng Quezon City na bumiyahe patungong Dubai noong nakaraang buwan.

Paliwanag ni RITM director Dr. Celia Carlos, mayroong inilatag na panuntunan para dito ang mga eksperto, partikular na ang World Health Organization (WHO), na kailangang isaalang-alang.

Loading…